Hindi na ikinagulat ng Malacañang ang diumano’y pagkakasangkot ng dating presidential spokesperson na si Atty. Harry Roque sa pagpapakalat ng pekeng “polvoron video” kung saan makikita ang isang lalaking kahawig ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tila sumisinghot ng ipinagbabawal na gamot.
Ito ay kasunod ng akusasyon ng vlogger na si Vicente Bencalo “Pebbles” Cunanan, na nagsabing si Roque umano ang utak sa likod ng naturang video.
“Ay hindi na po bago ito. Mabuti na lang at may nagsalita na dating kaalyado nila at sinabing si Atty. Harry Roque ang siyang nagpakalat ng video,” pahayag ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing.
“Sa totoo lang, matagal na ring pinaghihinalaan ng publiko kung sino talaga ang nasa likod ng ‘polvoron video’ kaya hindi na bago ang rebelasyong ito,” dagdag pa niya.
Ayon kay Castro, inutusan pa umano ni Roque ang kaniyang mga kaalyado na ikalat ang video upang magmukhang totoo na si Pangulong Marcos ang nasa nasabing footage.
Binigyang-diin ng Malacañang na biktima si Pangulong Marcos ng fake news matapos mapatunayang manipulado ang video.
Nang tanungin kung magsasampa ng kaso ang Palasyo batay sa rebelasyon ni Cunanan, sinabi ni Castro na ipauubaya ito ng Pangulo sa mga law enforcement agencies tulad ng Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI).
“Nakausap po natin ang Pangulo, at malinaw ang kaniyang pahayag — hayaan nating ang NBI at DOJ ang magsagawa ng imbestigasyon,” ani Castro. “At kung may sapat na batayan, dapat lamang sampahan ng kaso ang sinumang mapatunayang responsable.”
Matatandaang lumaganap ang tinaguriang “polvoron video” noong Hulyo 2024, isang araw bago ang ikatlong State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo. Sa video, makikitang tila may lalaking sumisinghot ng droga — at kahawig ito ni Marcos.
Sa ulat ng Vera Files noong Setyembre 16, 2024, kinumpirma nitong may halong manipulasyon ang video. Humingi ng tulong ang Vera Files sa Deepfakes Analysis Unit (DAU), isang grupo sa ilalim ng India-based na Misinformation Combat Alliance.
Ipinadala ng Vera Files ang dalawang bersyon ng video: ang isa ay ipinost noong Hulyo 22, at ang isa pa — mas malinaw — ay mula sa Facebook page ni vlogger Maharlika noong Agosto 25.
Lumabas sa pagsusuri ng DAU na posibleng na-manipula ang mukha ng lalaki sa video gamit ang teknik na face swap.
Gamit ang teknolohiyang tinatawag na HIVE, nakita rin ang ilang bahagi ng video na may multiple points of manipulation, at tumugma ang ilang bahagi ng deepfake sa mga bahagi ng orihinal na video.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

