Ang Dugtong Buhay Movement, na pinamumunuan ng Department of Budget and Management (DBM), ay magsasagawa ng isang malawakang bloodletting activity sa Martes, Oktubre 10, sa Naval Station Ernesto Ogbinar, Poro Point, San Fernando, La Union.
Ayon sa DBM, layunin ng aktibidad na makalikom ng mga donasyon ng dugo mula sa mga boluntaryo mula sa iba’t ibang ahensya upang makatulong sa mga nangangailangan, lalo na’t tumataas ang kaso ng dengue sa bansa.
“Batay sa pinakahuling datos mula sa Department of Health, umabot na sa 208,000 ang naitalang kaso ng dengue ngayong taon, na 68 porsyento na mas mataas kumpara noong 2023,” ayon sa pahayag ng DBM.
Ang nasabing aktibidad ay alinsunod sa Republic Act 7719 o National Blood Services Act of 1994, na nagtataguyod ng boluntaryong donasyon ng dugo upang matiyak na sapat at ligtas ang suplay nito.
Ang Dugtong Buhay Movement ay binubuo ng DBM, Philippine Coast Guard, at Philippine Red Cross, sa pakikipagtulungan ng Philippine National Police, Philippine Navy, Philippine Air Force, at Pamahalaang Panlalawigan ng La Union. Tinatayang aabot sa 400 donor ang lalahok sa nasabing kampanya.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:
Facebook
YouTube
X
TikTok
Instagram
Threads

