Mahigpit na binabantayan ng mga barko at eroplano ng Pilipinas ang tinaguriang “monster ship” ng China Coast Guard (CCG), na namataan sa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng bansa sa West Philippine Sea. Ito ay kinumpirma ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya nitong Lunes.
“Ating itinuon ang lahat ng ating assets sa barkong ito. Sa oras na gumawa ito ng anumang masama o kilos na mapanukso, nakahanda ang pamahalaan na magbigay ng angkop na tugon,” pahayag ni Malaya sa isang briefing ng Bagong Pilipinas Ngayon.
Hindi na idinetalye ni Malaya ang mga posibleng hakbang ng Pilipinas.
Sa ngayon, patuloy ang pagbabantay ng barkong BRP Cabra (MMRV-4409) ng Philippine Coast Guard (PCG), kasama ang kanilang mga aircraft, ang Northern Luzon Command, at iba pang pwersa mula sa Area Task Force North at National Task Force West Philippine Sea (WPS), sa kilos ng CCG 5901.
Noong Enero 4, hinamon ng BRP Cabra ang presensya ng barkong Tsino malapit sa Capones Island, Zambales.
“Tuloy-tuloy ang ating radio challenge upang tiyaking walang ginagawang labag o masama ang barkong ito sa ating EEZ,” dagdag ni Malaya.
Ang CCG 5901, na tinawag na “monster ship,” ay may bigat na 12,000 gross register tons, dahilan upang ito ang maging isa sa pinakamalalaking barko ng Coast Guard sa buong mundo.
Ayon kay Malaya, ang patuloy na presensya ng barkong Tsino malapit sa teritoryo ng Pilipinas ay bahagi ng estratehiya ng Tsina upang magpakita ng lakas at takutin ang mga Pilipinong mangingisda.
“Pinapakita nila na may ganito silang barko upang takutin ang ating mga mangingisda sa West Philippine Sea. Bilang tugon, papaigtingin pa natin ang presensya ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at ng Coast Guard upang masigurong may suporta ang ating mga mangingisda,” ani Malaya.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

