Itinampok ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nitong Martes ang makapangyarihang epekto ng Expanded Tertiary Education Equivalency and Accreditation Program o ETEEAP Act, na layuning bigyan ng pagkakataon ang milyun-milyong masisipag na Pilipino na makamit ang kolehiyong diploma kahit hindi na dumaan sa tradisyunal na klase sa paaralan.

Sa seremonya ng pirmahan ng Implementing Rules and Regulations (IRR) ng ETEEAP Act na ginanap sa President’s Hall sa Malacañang, binigyang-diin ni Marcos na kinikilala ng batas ang mga kaalaman at kasanayang nakuha ng mga indibidwal mula sa aktwal na karanasan sa trabaho, sariling pag-aaral, at di-pormal na edukasyon.

“Marami tayong mga kababayan na hindi nakatapos ng kolehiyo dahil kinailangan nilang unahin ang pagtatrabaho—para sa pamilya, para magpaaral ng kapatid, o para maging haligi ng tahanan,” ani Marcos. “Pero hindi nawala ang kanilang talino, diskarte, at determinasyon. Kaya sa ilalim ng ETEEAP Act, puwede na nilang gamitin ang kanilang karanasan para makakuha ng diploma.”

Nilagdaan ni Pangulong Marcos ang ETEEAP Act bilang ganap na batas noong Marso 2025. Layunin nitong gawing pormal ang proseso ng pagkilala sa mga kasanayang natutunan sa trabaho at ipalit ito sa mga academic units para sa kolehiyo.

Ang batas ay nakikitang isang “lifeline” o pag-asa para sa mga manggagawang gaya ng caregivers, mekaniko, teknisyan, at maliliit na negosyante na matagal nang may kasanayan ngunit walang pormal na kredensyal sa edukasyon.

“Sa pamamagitan ng batas na ito, mayroon na tayong malinaw at sistematikong paraan para kilalanin ang mga natutunan ng ating mga kababayan—mula sa trabaho o sariling pagsusumikap—at itumbas ito sa antas ng akademikong kredito,” paliwanag ng Pangulo.

Isa rin sa mga mahahalagang probisyon ng batas ay ang pagbibigay ng enrichment support upang matulungan ang mga aplikante na maabot ang mga pamantayang akademiko at propesyonal.

Hinikayat din ni Marcos ang mga institusyon ng mas mataas na edukasyon na yakapin ang mas flexible na paraan ng pagtuturo tulad ng online learning upang tumugon sa iba’t ibang antas ng karanasan, istilo sa pagkatuto, at pinanggalingan ng mga aplikante ng ETEEAP.

“Ang batas na ito ay nagbibigay ng ikalawang pagkakataon sa ating mga kababayang hindi nakapagtapos ng kolehiyo. Bukod sa matitipid sa gastusin, bubukas ito ng mas maraming oportunidad—mas mataas na posisyon, mas malaking kita, at higit na propesyonal na pagkilala,” dagdag pa ng Pangulo.

Aniya, tinutulungan ng batas na ito ang mga tunay na may kasanayan—mga caregiver, mekaniko, teknisyan, at negosyante—na ngayon ay bibigyan na ng karampatang pagkilala.

Inatasan naman ni Marcos ang Commission on Higher Education (CHED) at mga katuwang na ahensya na tiyakin ang maayos at epektibong pagpapatupad ng nasabing batas.

“Bantayan ang mga partner HEIs at siguraduhing mapapakinabangan ng mga karapat-dapat ang batas na ito,” utos ng Pangulo.

Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🔵 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
🔴 www.youtube.com/@pwersabalita
https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *