Patuloy na makararanas ng pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa dahil sa epekto ng shear line, northeast monsoon o “amihan”, at Intertropical Convergence Zone (ITCZ), ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes.
Sa 5 a.m. weather bulletin ng PAGASA, sinabi nilang makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at pagkulog-pagkidlat ang Visayas, Mindanao, Romblon, Catanduanes, Albay, Sorsogon, at Masbate dahil sa ITCZ.
Samantala, maulap din ang kalangitan na may kalat-kalat na ulan at isolated thunderstorms sa natitirang bahagi ng Bicol Region, Quezon, Marinduque, Aurora, Isabela, Quirino, at Cagayan dahil sa shear line.
Ang shear line rin ang magdudulot ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may panaka-nakang ulan o pagkulog-pagkidlat sa Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon.
Epekto ng Amihan at Shear Line
Sa Cordillera Administrative Region, natitirang bahagi ng Cagayan Valley, at Ilocos Norte, inaasahan ang maulap na kalangitan na may mga pag-ulan. Sa kabilang banda, ang natitirang bahagi ng Ilocos Region ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may mahihinang ulan dulot ng amihan.
Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng flash floods o landslides sa mga lugar na makakaranas ng katamtaman hanggang malakas na ulan at matitinding pagkulog-pagkidlat.
Kondisyon ng Hangin at Karagatan
- Hilagang Luzon: Inaasahan ang katamtaman hanggang malalakas na hangin at katamtaman hanggang maalon na karagatan.
- Natitirang bahagi ng bansa: Magiging banayad hanggang katamtaman ang hangin at bahagyang maalon hanggang katamtamang alon sa karagatan.
Patuloy ang paalala ng PAGASA na mag-ingat sa mga lugar na apektado ng malakas na pag-ulan at panatilihing updated sa kanilang mga abiso.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

