Inaprubahan na ng Department of Budget and Management (DBM) ang mga panuntunan para sa PHP7,000 annual medical allowance ng mga kawani ng gobyerno simula 2025. Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, nilagdaan niya ang Budget Circular 2024-6 na naglalaman ng mga patakaran ukol sa pagbibigay ng medical allowance na ito.
Ang hakbang na ito ay nakabatay sa Executive Order (EO) 64 s. 2024, na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. noong Agosto 2, 2024. Kasama rin dito ang pagtaas ng sahod para sa mga empleyado ng gobyerno.
“Natupad na ang pangakong ito,” ani ni Pangandaman sa isang pahayag nitong Huwebes.
Para Kanino ang Medical Allowance?
Ang taunang medical allowance ay idinisenyo para matulungan ang mga kawani ng gobyerno na makakuha ng Health Maintenance Organization (HMO)-type benefits para sa kanilang mga gastusin sa kalusugan.
“Matagal ko na pong pangarap ito para sa ating mga kababayan. Sa pagpasok ng 2025, maaari na silang makatanggap ng medical allowance para makatulong sa kanilang health-related expenses,” ani pa ni Pangandaman.
Ang saklaw ng DBM circular ay ang mga civilian government personnel mula sa:
- Mga ahensya ng pambansang gobyerno,
- State universities at colleges, at
- Government-owned and controlled corporations (GOCCs) na hindi sakop ng Republic Act 10149 at EO 150, s. 2021.
Lahat ng kawani, anuman ang status ng kanilang appointment—regular, casual, contractual, appointive, elective, full-time, o part-time—ay kwalipikado sa allowance na ito. Pati mga empleyado ng lokal na pamahalaan at local water districts ay kabilang.
Paano Ito Makatutulong?
Ang allowance ay maaaring ibigay bilang:
- HMO-type product coverage na maaaring kunin ng ahensya o organisasyon ng empleyado.
- Cash form para sa mga nais kumuha o mag-renew ng sarili nilang HMO-type benefit.
Pasasalamat ng DBM
Nagpasalamat ang Budget Chief sa Pangulo sa pagbibigay ng importansya sa kalusugan ng mga manggagawa ng gobyerno.
“Ang medical allowance na ito ay hindi lamang benepisyo; isa itong mahalagang hakbang upang masiguro ang malusog na workforce na may kakayahang gampanan ang kanilang tungkulin nang pinakamahusay,” ani ni Pangandaman.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

