Nagpaalala ang Office of Civil Defense (OCD) sa mga residente sa mga lugar na apektado ng shear line na maging alerto at huwag maging kumpiyansa sa posibleng epekto nito.

Ayon kay OCD Chief Undersecretary Ariel Nepomuceno sa isang pahayag noong Martes, ang shear line ang sanhi ng matinding pagbaha at landslide sa Visayas at Mindanao noong Enero ng nakaraang taon, na nagresulta sa pagkasawi ng 43 katao.

Hinimok niya ang publiko na makinig sa mga babala ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), Mines and Geosciences Bureau (MGB), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC)-OCD, at iba pang ahensya ng gobyerno.

“Habang tayo ay nagplaplano para sa mga posibleng pinakamalalang senaryo, mahalaga na tayo ay maging handa at makinig sa mga babala kaugnay ng mga kasalukuyang sistema ng panahon na nakakaapekto sa ating mga rehiyon,” ani Nepomuceno. “Ang ating kaligtasan ay nakasalalay sa ating kooperasyon at pagiging alerto.”

Base sa ulat ng MGB, 1,632 barangay sa 14 na probinsya sa Cagayan Valley, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, at Central Luzon ang itinuring na mataas ang panganib sa pagbaha at pagguho ng lupa dulot ng malakas na ulan.

Sa kasalukuyan, ayon sa PAGASA, asahan ang kalat-kalat na pag-ulan at panaka-nakang pagkulog at pagkidlat sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Norte, Ilocos Sur, at Cagayan Valley. Sa kanilang ulat bandang alas-5 ng umaga, mabibigat hanggang sa matitinding pag-ulan ang posibleng maranasan sa mga probinsya ng Cagayan at Isabela.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *