Nagbabala ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Huwebes na aabot sa 28 lugar sa bansa ang makakaranas ng matinding init sa ilalim ng danger level heat index, habang ang Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ay patuloy na magdadala ng ulan sa malaking bahagi ng Mindanao.
Ayon sa PAGASA, ang heat index ay ang pakiramdam ng katawan ng tao sa aktwal na temperatura kapag pinagsama ang init ng panahon at halumigmig sa paligid. Sa inilabas na ulat alas-5 ng umaga, Tuguegarao City sa Cagayan ang may pinakamataas na inaasahang heat index na 45°C.
Narito ang iba pang mga lugar na inaasahang aabot sa danger level ang heat index:
-
Ninoy Aquino International Airport, Pasay City – 42°C
-
Dagupan City, Pangasinan – 44°C
-
Bacnotan, La Union – 43°C
-
Aparri, Cagayan – 42°C
-
Echague, Isabela – 44°C
-
Baler at Casiguran, Aurora – tig-44°C
-
Iba, Zambales – 44°C
-
Clark Airport, Pampanga – 43°C
-
Muñoz, Nueva Ecija – 43°C
-
Subic Bay, Olongapo City – 42°C
-
San Ildefonso, Bulacan – 43°C
-
Camiling at Hacienda Luisita, Tarlac – 43°C
-
Sangley Point, Cavite – 44°C
-
Ambulong, Tanauan, Batangas – 43°C
-
Alabat, Quezon – 43°C
-
Coron, San Jose, at Puerto Princesa City, Palawan – 42°C hanggang 43°C
-
Cuyo, Palawan – 42°C
-
Legazpi City, Albay – 42°C
-
Masbate City – 42°C
-
Pili, Camarines Sur – 43°C
-
Roxas City, Capiz – 42°C
-
Dumangas, Iloilo – 43°C
-
Panglao International Airport – 43°C
Ayon sa PAGASA, ang danger level na heat index mula 42°C hanggang 51°C ay posibleng magdulot ng heat cramps at heat exhaustion. Pinayuhan ang publiko na umiwas sa direktang sikat ng araw, uminom ng maraming tubig, at magsuot ng preskong damit upang makaiwas sa heat-related illnesses.
Samantala, ang ITCZ ay patuloy na magdudulot ng mga kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa mga lugar tulad ng Zamboanga Peninsula, Soccsksargen, Davao Occidental, Basilan, Sulu, at Tawi-Tawi. Posible rin ang flash floods o landslide sa mga lugar na ito dahil sa katamtaman hanggang malakas na pag-ulan.
Sa iba pang bahagi ng Mindanao, posible pa rin ang mga panaka-nakang ulan o thunderstorm. Ang nalalabing bahagi ng bansa ay makakaranas din ng mga isolated rain showers dulot ng easterlies.
Nanatiling banayad hanggang katamtaman ang ihip ng hangin at katamtaman ang taas ng alon sa buong kapuluan.
Sa ngayon, walang binabantayang low pressure area na posibleng maging bagyo, ayon sa 2 a.m. bulletin ng PAGASA. Dagdag pa rito, maliit ang posibilidad na magkaroon ng bagyo hanggang sa pagtatapos ng buwan.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

