Handang magbigay ng suporta ang gobyerno para sa mga pamilyang apektado ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon sa Visayas.
Sa isang pahayag nitong Martes ng gabi, sinabi ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro Jr., na siya ring namumuno sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), na nakapagpadala na ng 1,000 piraso ng tents, inuming tubig, at portable toilets sa mga lugar na naapektuhan ng sakuna.
Binigyang-diin din niya ang kahalagahan ng pagtatayo ng pansamantalang evacuation sites upang mas epektibong matugunan ang sitwasyon. Hinimok niya ang mga residente na makipagtulungan sa evacuation orders at iwasang bumalik sa loob ng 6-kilometrong danger zone ng bulkan.
Tinalakay rin ni Teodoro ang epekto ng pagsabog sa transportasyon, kabilang ang pansamantalang pagsasara ng Iloilo Airport dahil sa ashfall nitong Lunes ng hapon. Bagamat naapektuhan ang air travel, nananatiling bukas ang mga pantalan.
“Patuloy tayong nagbabantay at naghahanda sa posibleng senaryo sakaling umulan. Sa ngayon, wala pang nakikitang ulan mula sa PAGASA. Salamat sa Diyos,” ani Teodoro.
Binigyang-diin niya ang patuloy na pagbabantay ng NDRRMC sa sitwasyon at ang dedikasyon ng pamahalaan sa pagbibigay ng seguridad at suporta sa mga mamamayang apektado ng sakuna.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

