Tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang suplay ng pataba sa bansa sa kabila ng tensyon sa pagitan ng Israel at Iran na maaaring makaapekto sa pagpapadala ng produkto mula sa Gulf region, partikular sa bansang Qatar na isa sa mga pangunahing tagapagsuplay ng pataba.
Ayon kay DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., may sapat na reserba ang bansa ng fertilizer hanggang sa katapusan ng taon kaya hindi inaasahan ang biglaang pagtaas ng presyo nito sa lokal na merkado.
“Sa ngayon, dahil sa giyera ng Israel at Iran, kinuwenta na natin ang ‘days to last’ ng fertilizer sa Pilipinas. Mabuti na lang at kadalasan, taunang bidding at paggamit ang ginagawa natin, kaya may sapat tayong stock hanggang dulo ng taon,” ani Tiu Laurel sa isang panayam.
Dagdag pa niya, “Kung humupa ang tensyon bago matapos ang taon, malaki ang posibilidad na babalik din sa normal ang galaw ng suplay.”
Bukod sa Qatar, tiniyak ng kalihim na may mga alternatibong pinagmumulan ng pataba ang Pilipinas gaya ng Russia at Brunei Darussalam, kaya hindi dapat mabahala ang mga magsasaka.
Sa kabila ng inaasahang pagtaas ng presyo ng petrolyo na may direktang epekto sa sektor ng agrikultura, iginiit ni Tiu Laurel na hindi ito magreresulta sa labis na taas-presyo ng mga produktong agrikultural.
“Kapag tumaas ang petrolyo, asahan nating tataas din ang presyo ng mga bilihin. Pero sa ngayon, ang dagdag na higit piso ay hindi naman ganoon kalaki ang epekto sa kabuuan,” paliwanag ng kalihim.
Nilinaw rin niya na walang inaasahang “exponential” o sobra-sobrang pagtaas ng presyo sa mga pangunahing produktong pang-agrikultura.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🔗 Facebook
📺 YouTube
🐦 X (Twitter)
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

