Mga Proyekto ng Gobyerno Magpapatuloy sa Gitna ng Panawagan ni Marcos para sa Courtesy Resignation ng mga Cabinet Secretaries
Malacañang — Tiniyak ng Palasyo ngayong Huwebes na mananatiling tuloy-tuloy ang mga serbisyo at proyekto ng pamahalaan, sa kabila ng kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa lahat ng mga miyembro ng gabinete na magsumite ng kanilang courtesy resignation.
Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro, ang naturang direktiba ay bahagi ng pagsasaayos o recalibration ng mga prayoridad ng administrasyon, at hindi ito magdudulot ng pagkaantala o pagka-abala sa operasyon ng pamahalaan.
“Maliwanag ang sinabi ng Pangulo — hindi maaapektuhan ang mga umiiral at kasalukuyang proyekto kahit may transition. Patuloy pa rin ang trabaho ng mga miyembro ng Gabinete at empleyado ng pamahalaan,” pahayag ni Castro sa isang press briefing sa Palasyo.
Nilinaw din niya na mananatili sa kanilang mga puwesto ang mga Cabinet members maliban na lamang kung pormal na tanggapin ng Pangulo ang kanilang pagbibitiw. Layunin nito ang paninigurong walang magiging patlang sa pamumuno o sa pagpapatakbo ng kani-kanilang tanggapan.
Dagdag pa niya, ito rin ay pagkakataon para ipakita ng mga opisyal na karapat-dapat silang manatili sa kanilang puwesto at tumutugma sila sa layunin ng Pangulo.
“Mas mainam na maipakita ng mga hepe ng ahensya at miyembro ng Gabinete na kaagapay sila sa layunin ng Pangulo. Ito ang pagkakataong ipamalas nila ang kanilang dedikasyon sa serbisyo publiko,” dagdag pa ni Castro.
Muling iginiit ng Palasyo ang matibay na paninindigan ni Marcos laban sa mga opisyal na tamad o sangkot sa katiwalian.
“Walang puwang ang tamad at korap sa administrasyon ni Pangulong Marcos Jr.,” ani Castro.
Walang Target o Pinupuntirya
Pinabulaanan din ni Castro ang mga haka-hakang may partikular na opisyal na target alisin sa puwesto sa likod ng direktiba.
“Wala tayong update kung may partikular na kalihim na tinutukoy sa courtesy resignation na ito. Sa ngayon, wala,” paglilinaw niya.
Ang panawagan para sa pagbibitiw ay una nang binanggit ni Pangulong Marcos sa kanyang “BBM Podcast” na inilabas nitong Lunes. Doon ay isinapubliko niya ang kasalukuyang performance review ng Gabinete, kasunod ng resulta ng 2025 midterm elections kung saan anim sa mga sinusuportahang senatorial candidates ng administrasyon ang nanalo.
“This is not business as usual,” ayon kay Marcos sa inilabas na pahayag ng Palasyo. “Panahon na para i-align muli ang gobyerno sa inaasahan ng taumbayan.”
Nilinaw rin ng Malacañang na hindi ito purge, kundi isang hakbang para mabigyan ng mas malawak na espasyo ang Pangulo upang masusing suriin ang performance ng bawat departamento at alamin kung sino ang dapat manatili alinsunod sa panibagong direksyon ng administrasyon.
“This is not about personalities — it’s about performance, alignment, and urgency,” giit ni Marcos.
Bagama’t kinilala ng Pangulo ang sipag at propesyonalismo ng karamihan sa mga opisyal, binigyang-diin niya na ang nagbabagong pangangailangan ng bansa ay nangangailangan ng mas mabilis na aksyon at result-oriented na pamamalakad.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts
https://www.facebook.com/PwersaBalita/
www.youtube.com/@pwersabalita
https://x.com/PwersaBalita
https://www.tiktok.com/@pwersabalita
https://www.instagram.com/pwersabalita/
https://www.threads.net/@pwersabalita

