Mahigit 1,159 na suspek ang naaresto ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa kanilang mga operasyon kontra-krimen mula Nobyembre 1 hanggang 30 ngayong taon.

Ayon kay CIDG chief Brig. Gen. Nicolas Torre III sa isang pahayag nitong Martes, naisagawa ang mga pag-aresto sa 1,073 operasyon.

Sa ilalim ng Oplan Pagtugis, nakapaglunsad ang CIDG ng 890 operasyon, kung saan 881 most wanted persons (MWPs) at 564 iba pang wanted persons ang nahuli. Sa bilang ng mga MWPs na naaresto, 159 ay nasa regional level, 105 sa provincial level, at 53 sa municipal level.

Samantala, sa Oplan Paglalansag Omega, ang kampanya laban sa iligal na armas, nakapagsagawa ang CIDG ng 83 operasyon. Nagresulta ito sa pag-aresto ng 103 katao at pagkakakumpiska ng 12 light weapons, 92 small arms, siyam na pampasabog, at 1,232 na bala.

Sa kampanya laban sa iligal na sugal (Oplan Bolilyo), nagsagawa ang grupo ng 52 operasyon na humantong sa 78 pag-aresto at pagkakakumpiska ng PHP186,860 na halaga ng taya.

Ang Oplan Ligas, na tumutok sa iligal na pag-refill at paggawa ng liquefied petroleum gas (LPG), ay nagresulta sa siyam na operasyon, 18 pag-aresto, at pagkakakumpiska ng ebidensyang nagkakahalaga ng PHP19.49 milyon.

Sa Oplan Megashopper, na nakatuon sa smuggling at mga pekeng produkto, 14 na operasyon ang isinagawa, 32 katao ang naaresto, at ebidensyang nagkakahalaga ng PHP1.73 bilyon ang nasamsam.

Bukod dito, natuklasan at binuwag ang isang malawakang ilegal na pabrika sa Bulacan na nagsisilbing pangunahing hub para sa paggawa ng pekeng sigarilyo. Tinatayang PHP2.4 bilyon halaga ng pekeng sigarilyo at smuggling equipment ang nasamsam mula rito at sa Valenzuela.

Sa kampanya laban sa terorismo, anim na indibidwal ang naaresto.

“Sa mga makabuluhang tagumpay na ito, pinupuri ko ang mga operatiba ng CIDG at iba pang law enforcement agencies sa kanilang matagumpay na operasyon at patuloy na pagtutulungan. Hindi kami titigil hanggang ang bawat kriminal ay managot sa kanilang mga nagawang kasalanan,” ani Torre.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *