Sa paggunita ng ikalawang National Refugee Day nitong Martes, muling pinagtibay ng mga opisyal ng pamahalaan ang matatag na paninindigan ng Pilipinas sa pagtanggap at pagbibigay-proteksyon sa mga refugee, asylum seeker, at mga stateless person.
Ayon sa inilabas na pahayag ng Department of Justice (DOJ) sa pamamagitan ng Refugees and Stateless Persons Protection Unit (DOJ-RSPPU), mananatili ang humanitarian tradition ng bansa na bukas-palad na pagtanggap sa mga nangangailangan ng tulong at ligtas na tahanan.
Sa mensahe ni DOJ Secretary Jesus Crispin Remulla, kanyang hinikayat ang iba’t ibang ahensya ng gobyerno at mga katuwang sa pribadong sektor na pairalin ang malasakit at konkretong pagkilos.
“Hindi ito madaling gawain. Ginagawa natin ito hindi lamang dahil ito ang dikta ng batas, kundi dahil ito ang hinihiling ng ating konsensiya. Ang krisis ng mga refugee ay pandaigdigang hamon na nangangailangan ng pagkakaisa at pagkilos,” pahayag ni Remulla.
Samantala, sinabi ni Chief State Counsel Dennis Arvin Chan, pinuno ng DOJ-RSPPU, na bunga ng pagtutulungan ng mga partner agencies at civil society ang tagumpay ng pagdiriwang.
“Hindi ito gawain ng iisang sektor lamang. Pinapahalagahan natin ang kooperasyon upang mas mapalawak ang akses ng mga refugee sa proteksyon,” ani Chan.
Sa panig ng Presidential Communications Office, sinabi ni Assistant Secretary Aristotle Valera na patunay ang patuloy na pagtanggap ng Pilipinas sa mga refugee sa tunay na Filipino values — ang pagiging hospitable at maawain sa nangangailangan.
Muli ring nagpahayag ng suporta ang United Nations High Commissioner for Refugees (UNHCR) sa Pilipinas. Ayon kay Maria Ermina Valdeavilla-Gallardo, hepe ng UNHCR Philippines, pinuri ng organisasyon ang pamahalaan sa pamumuno nito sa pagbibigay proteksyon sa mga biktima ng sapilitang paglikas.
“Ang pagtutok ng Pilipinas sa resilience at mga solusyong mula sa komunidad ay sumasalamin sa layunin ng UNHCR at sa pangako ng bansa sa Global Refugee Forum at Sustainable Development Goals (SDGs),” sabi ni Gallardo.
Dagdag pa rito, hinikayat ni Norielyn Tabag, direktor ng Community Engagement Center ng San Beda University, ang lahat ng pamantasan sa bansa na palawakin ang oportunidad ng mga refugee lalo na sa edukasyon at serbisyong makatutulong upang maging kapaki-pakinabang silang miyembro ng lipunan.
Ibinahagi rin ni Abdulkarim Al-Halabi, isang Syrian refugee na ngayon ay matagumpay na negosyante sa Pilipinas, ang kanyang karanasan simula nang dumating siya noong 2011. Aniya, “Kahit mahaba ang proseso, ramdam ko ang mainit na pagtanggap ng mga Pilipino. Ang Pilipinas na ngayon ang aking tahanan.”
Itinatag ang National Refugee Day sa bisa ng Presidential Proclamation No. 265, s.2023, at ginugunita tuwing ika-20 ng Hunyo bilang pagkilala sa makataong tradisyon ng bansa. Bilang isang State Party sa 1951 Refugee Convention, 1967 Protocol, at mga kasunduang laban sa statelessness, nananatiling committed ang Pilipinas sa pagbibigay-proteksyon, pagkakapantay-pantay, at mga oportunidad para sa lahat ng taong nawalan ng tahanan.
Ngayong taon, may temang “Strengthening Spaces of Resilience and Hope” ang pagdiriwang na nagtipon ng mga ahensya ng pamahalaan, pandaigdigang organisasyon, unibersidad, civil society, at mga komunidad upang isulong ang pagkakaisa, integrasyon, at empowerment para sa mga displaced persons.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🌐 Facebook
📺 YouTube
🐦 X (Twitter)
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

