Inihayag ni Philippine Amusement and Gaming Corp. (PAGCOR) Chairman at CEO Alejandro Tengco na sisimulan ang proseso ng privatization ng mga PAGCOR casino sa unang bahagi ng 2026, imbes na sa mid-2025. Ayon kay Tengco, ito ay bahagi ng kanilang plano na magpokus na lamang sa regulatory role ng ahensya upang matiyak ang patas na kompetisyon para sa lahat ng mga stakeholders.
Sa kanyang talumpati sa Inside Asian Gaming Academy Summit na ginanap sa Hilton Manila, sinabi ni Tengco na inaasahan ng PAGCOR na kikita ng hindi bababa sa PHP50 bilyon mula sa privatization ng mahigit 40 casino sa buong bansa.
Gayunpaman, bago masimulan ang proseso, kinakailangan munang amyendahan ang charter ng PAGCOR, na inaasahang matatapos sa 2025.
Tiniyak din ni Tengco na ang mga empleyadong maaapektuhan ng privatization ay makatatanggap ng sapat na kompensasyon. “Sisiguraduhin kong bibigyan sila ng magandang retirement package at bahagi ng mga termino ng privatization ang obligasyong kunin ng nanalong bidder ang 50 hanggang 70 porsyento ng mga empleyado,” ani Tengco.
Dagdag pa ni Tengco, bahagi ng plano ng PAGCOR ang pagpapalawak ng kaalaman sa industriya ng gaming sa pamamagitan ng pagtatatag ng Gaming Academy. Layunin nitong tugunan ang pangangailangan para sa mga bihasa sa gaming at hospitality, hindi lang sa Pilipinas kundi pati na rin sa ibang mga bansa.
Ang PAGCOR Gaming Academy ay magbibigay ng natatanging mga oportunidad para sa mga empleyado ng PAGCOR, lalo na kapag naisapribado na ang mga Casino Filipino properties.
Sa kasalukuyan, binibigyang-prayoridad din ng PAGCOR ang modernisasyon ng mga pasilidad ng Casino Filipino, kabilang ang pagpapalit ng mga luma at sirang kagamitan.
“Marami pang dapat gawin. Hindi ito ganoon kadali, kaya’t inuuna ko ang modernisasyon at mga lessors. Hindi naman kami gumagastos para sa renovation dahil nirentahan lang namin ang mga lugar,” ani Tengco.
Ayon pa sa kanya, darating na sa kalagitnaan ng Setyembre ang halos 2,000 yunit ng mga bagong slot machines bilang bahagi ng modernization program ng ahensya. Sinimulan na rin ng mga partner lessors ang pag-renovate ng mga gaming venues upang mapataas ang bilang ng mga bumibisita at ang kabuuang kita ng Casino Filipino.
“Sa lahat ng mga inisyatibang ito, naniniwala kami na ang Pilipinas, sa pamamagitan ng PAGCOR, ay mananatiling nangunguna sa mga inobasyon sa gaming industry sa Asia-Pacific,” pagtatapos ni Tengco.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:
Facebook: https://www.facebook.com/PwersaBalita
YouTube: www.youtube.com/@pwersabalita
X (Twitter): https://x.com/PwersaBalita
TikTok: https://www.tiktok.com/@pwersabalita
Instagram: https://www.instagram.com/pwersabalita
Threads: https://www.threads.net/@pwersabalita

