Kalihim ng DOH Teodoro Herbosa, Kauna-unahang Pilipinong Itinalaga Bilang Pangulo ng World Health Assembly

Kalihim ng DOH Teodoro Herbosa, Kauna-unahang Pilipinong Itinalaga Bilang Pangulo ng World Health Assembly

Tagumpay ng Pilipinas sa Pandaigdigang Kalusugan: DOH Secretary Herbosa Pinangunahan ang 78th World Health Assembly

Isang makasaysayang pagkilala sa kakayahan ng Pilipinas sa larangan ng kalusugan ang pagluklok kay Department of Health (DOH) Secretary Teodoro J. Herbosa bilang pangulo ng ika-78 World Health Assembly (WHA), ayon sa Malacañang nitong Huwebes.

Kinumpirma ni Claire Castro, Undersecretary ng Presidential Communications Office (PCO) at Palace Press Officer, na ito ang unang pagkakataon na isang opisyal ng kalusugan mula sa Pilipinas ang humawak ng naturang posisyon sa pinakamataas na policymaking body ng World Health Organization (WHO).

Pinamumunuan ngayon ni Herbosa ang WHA na isinasagawa sa Geneva, Switzerland mula Mayo 19 hanggang 27, kung saan tinatalakay ang mahahalagang usapin tulad ng pandemic preparedness and response.

Isa sa mga tampok ng pulong ngayong taon ay ang pag-apruba ng kauna-unahang “Pandemic Agreement” matapos ang tatlong taong negosasyon. Layon ng kasunduang ito na siguraduhin ang pantay-pantay na access sa mga produktong kailangan sa panahon ng pandemya at magtatag ng mga konkretong mekanismo para sa pag-iwas at pagtugon sa mga darating na krisis pangkalusugan.

Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang pagkakahalal kay Herbosa ay pagkilala sa dedikasyon ng Pilipinas sa pagsusulong ng global health, gayundin bilang pagpupugay sa mga sakripisyo ng mga Filipino healthcare workers noong pandemya ng COVID-19.

“Isang malinaw na pagpapakita ito ng pagkilala sa kontribusyon ng mga Pilipino sa pandaigdigang usapin ng kalusugan,” pahayag ni Castro sa isang press briefing sa Malacañang.

Dagdag pa niya, ang bagong posisyon ni Herbosa ay pagkakataon ng Pilipinas na ipamalas ang kahalagahan ng kalusugan sa mga patakaran ng bansa, at patunay na nakaayon ang mga polisiyang ito sa mga solusyong pangkalusugan ng buong mundo.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
https://www.facebook.com/PwersaBalita/
www.youtube.com/@pwersabalita
https://x.com/PwersaBalita
https://www.tiktok.com/@pwersabalita
https://www.instagram.com/pwersabalita/
https://www.threads.net/@pwersabalita

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *