Nanatiling kritikal ang kalagayan ni Pope Francis, ngunit ayon sa Vatican Press Office nitong Linggo ng gabi, hindi na siya nakaranas ng panibagong respiratory crisis mula Sabado ng gabi.
Ayon sa pinakahuling medikal na ulat, nananatiling matatag ang kanyang kondisyon sa thrombocytopenia o mababang bilang ng platelet sa dugo. Gayunpaman, may lumilitaw nang maagang sintomas ng banayad na kidney failure, bagamat ito ay nasa kontrol pa rin ng mga doktor.
Patuloy siyang sumasailalim sa high-flow oxygen therapy, ngunit nananatiling alerto at may malay. Gayunpaman, ayon sa Vatican, hindi pa tiyak ang kanyang paggaling.
Sa kabila ng kanyang kalagayan, nakilahok si Pope Francis sa isang misa nitong Linggo ng umaga kasama ang kanyang mga tagapangalaga sa isang itinakdang lugar sa ika-10 palapag ng Agostino Gemelli Hospital sa Roma.
Matatandaang na-confine ang Santo Papa noong Pebrero 14 matapos makaranas ng hirap sa paghinga. Una siyang ginamot para sa bronchitis ngunit kalaunan ay nakumpirmang may pneumonia sa parehong baga. Kinumpirma ng Vatican nitong Sabado ng gabi na nagkaroon siya ng respiratory crisis at nananatili pa ring nasa kritikal na kondisyon.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads
