Inanunsyo ng Government Service Insurance System (GSIS) nitong Martes ang pagpapalawig ng kanilang emergency loan program upang matulungan ang mga miyembro at pensioners na naapektuhan ng Severe Tropical Storm Enteng. Ang loan na ito ay ipapamahagi agad sa mga lugar na idineklarang nasa ilalim ng state of calamity.
Ang hakbang na ito ay karugtong ng kasalukuyang emergency loan program ng GSIS, na kasalukuyang inihahatid na sa iba’t ibang lugar sa bansa na idineklarang calamity area.
Ang mga miyembro at pensioners sa mga lugar na naapektuhan ng habagat at Typhoon Carina ay maaaring mag-apply hanggang sa mga sumusunod na deadlines: Oktubre 26, 2024 para sa Baco at Pinamalayan, Oriental Mindoro; Oktubre 25 para sa Batangas, Rizal, at National Capital Region; Oktubre 29 para sa Bulacan at Pampanga; Oktubre 31 para sa Camiling, Tarlac; Nobyembre 1 para sa San Andres, Romblon at Mabitac, Laguna; Nobyembre 5 para sa Ilocos Norte at La Union; Nobyembre 13 para sa Ilocos Sur; at Nobyembre 21 para sa Mangatarem, Pangasinan.
Upang makapag-apply sa emergency loan, kailangang ang aktibong miyembro ay naninirahan o nagtatrabaho sa isang calamity-declared area, hindi naka-unpaid leave, walang pending administrative o legal cases, walang due and demandable loan, at nakapagbayad na ng hindi bababa sa anim na buwanang premium payments bago mag-apply.
Kailangan din na ang kanilang take-home net pay ay hindi bababa sa PHP5,000, ayon sa General Appropriations Act. Para sa mga pensioners na may old-age at disability benefits, dapat matiyak na ang kanilang net monthly pension ay hindi bababa sa 25 porsiyento pagkatapos ng deductions para sa loan amortization.
Ang mga miyembro at pensioners na may existing emergency loan balance ay maaaring makautang ng hanggang PHP40,000 upang mabayaran ang kanilang dating utang, na may maximum na net amount na PHP20,000. Ang mga wala namang existing balances ay maaaring mag-apply para sa PHP20,000 loan. Ang loan ay may mababang interes na 6 porsiyento kada taon, na may tatlong taon na repayment period.
Ang mga kwalipikadong miyembro at pensioners ay maaaring mag-apply online gamit ang GSIS Touch mobile app. Maaari rin silang mag-submit ng kanilang aplikasyon sa GSIS Wireless Automated Processing System (GWAPS) kiosks na matatagpuan sa mga GSIS branches nationwide, sa mga major government offices tulad ng Department of Education, provincial capitols, city halls, municipal offices, at piling Robinson’s at SM malls.
Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa emergency loan program, maaaring bisitahin ang GSIS website sa www.gsis.gov.ph, sundan ang GSIS Facebook page (@gsis.ph), mag-email sa gsiscares@gsis.gov.ph, o tumawag sa GSIS Contact Center sa 8847-4747 (Metro Manila) o 1-800-8-847-4747 (Globe at TM subscribers) o 1-800-10-847-4747 (Smart, Sun, at TNT subscribers).
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:
https://www.facebook.com/PwersaBalita/
www.youtube.com/@pwersabalita
https://x.com/PwersaBalita
https://www.tiktok.com/@pwersabalita
https://www.instagram.com/pwersabalita/
https://www.threads.net/@pwersabalita

