Isang masinsinang talakayan ang naganap sa Barangay Sta. Monica, Quezon City kung saan nagtulungan ang mga opisyal ng barangay at kinatawan mula sa DENR Metropolitan Environmental Office (MEO) – East upang palakasin ang pagpapatupad ng mga batas pangkalikasan sa komunidad.
Bitbit ang hangaring maprotektahan ang kalikasan at mapanatili ang kaayusan sa lokal na antas, pinangunahan ng DENR MEO–East ang isang information drive para sa mga opisyal ng barangay. Dumalo si Barangay Chairman Charlie Manalad at ilang kawani ng barangay, bilang pakikiisa sa mga programang pangkalikasan ng gobyerno.
Tinalakay sa pagpupulong ang mahahalagang usapin tulad ng tamang proseso sa pagkuha ng Tree Cutting, Earth Balling, at Pruning Permits. Ipinaliwanag din ang mga kailangan para sa Chainsaw Registration and Permit, at ang Certificate of Wildlife Registration na kailangan sa legal na pag-aalaga ng hayop mula sa kagubatan.
Ayon sa DENR, mahalagang maunawaan ng bawat opisyal ng barangay ang mga prosesong ito dahil sila ang unang nakakaharap ng mga problema sa lokalidad gaya ng ilegal na pagputol ng puno, paggamit ng chainsaw na walang permit, at pagbebenta o pag-aalaga ng mga hayop na kabilang sa wildlife.
“Ang barangay ang unang depensa ng kalikasan sa mga pamayanan. Kapag may sapat silang kaalaman, mas epektibo ang pagpapatupad ng batas at mas mabilis ang aksyon,” pahayag ng isang kinatawan ng MEO–East.
Kasabay ng aktibidad, nagbigay rin ang DENR ng mga konkretong halimbawa ng mga kaso ng paglabag upang ipakita ang kahalagahan ng wastong dokumentasyon at koordinasyon. Binuksan rin ang talakayan sa mga tanong at suhestiyon ng mga taga-barangay upang mas maunawaan ang mga isyu at makahanap ng praktikal na solusyon.
Ibinahagi rin ng DENR ang kanilang hangarin na mapanatili ang magandang ugnayan sa mga barangay upang mas epektibong masawata ang mga gawaing sumisira sa kalikasan. Bilang tugon, tiniyak naman ng Barangay Sta. Monica ang kanilang buong suporta sa mga adbokasiyang ito.
Sa pagtatapos ng pulong, nanindigan ang MEO–East na patuloy nilang tutulungan ang mga barangay sa pagsunod sa tamang proseso at pagprotekta sa ating likas-yaman. Binanggit nila na ang pangangalaga sa kalikasan ay hindi lamang para sa ngayon kundi para rin sa mga kabataan at susunod pang henerasyon.
Pwersa Balita – Your Trusted Source in Agri News

