Isang makulay at makabuluhang pagdiriwang ang isinagawa sa pagsisimula ng Indigenous Peoples Month ngayong Oktubre, tampok ang pagkilala sa mga huwarang katutubong organisasyon na tagumpay sa larangan ng agrikultura.
Sa selebrasyon ng 2025 Indigenous Peoples Month at Indigenous Peoples Rights Act (IPRA) Commemoration noong Oktubre 1, pinarangalan ng Department of Agriculture (DA) sa pamamagitan ng Kabuhayan at Kaunlaran ng Kababayang Katutubo (DA-4K) Program ang mga natatanging Indigenous Peoples Organization (IPO) mula sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
Pinangunahan ng DA-4K ang bagong inisyatibo ngayong taon — ang pagbibigay-parangal sa mga IPOs na namumukod-tangi sa pagsasakatuparan ng mga proyektong pang-agrikultura, mahusay na pamumuno at organisasyon, pagpapalago ng market access, at pagtataguyod ng Gender and Development o GAD.
Magsasakang Agta mula Bicol, itinanghal na huwarang organisasyon
Matapos ang masusing pagsusuri sa mga nominado, itinanghal na kauna-unahang awardee ang Tadyong Tribal Farmers Association Inc., isang grupo ng mga magsasakang Agta-Tabangnon at Agta-Cimaron mula sa lalawigan ng Camarines Sur, Bicol Region.
Kinikilala ang grupo dahil sa kanilang natatanging pagsusumikap na mapaunlad ang kabuhayan ng kanilang komunidad gamit ang mga programang pang-agrikultura na suportado ng DA-4K. Bukod sa mahusay na pagpapatupad ng proyekto, namumukod-tangi rin ang kanilang liderato at aktibong pakikilahok sa pagpapalakas ng kababaihan sa agrikultura.
DA-Bicol, binigyang-pugay sa dedikasyon para sa mga Katutubo
Kasabay ng pagkilala sa nasabing IPO, binigyang-pugay rin ang Department of Agriculture – Bicol Region dahil sa kanilang matibay na suporta sa mga Indigenous Cultural Communities/Indigenous Peoples (ICCs/IPs) sa rehiyon.
Kabilang sa mga pinarangalan sina:
-
Regional Executive Director Rodel P. Tornilla, RAgr., MABE
-
Focal Person Mary Grace DP. Rodriguez, RAgr., Ph.D.
-
Engr. Danicris P. Orcio
-
at ang buong 4K Bicol Region Team
Ang grupo ay kinilala dahil sa kanilang patuloy na pagtutok, malasakit, at inisyatiba upang maabot at mapaunlad ang mga katutubong komunidad sa rehiyon. Ayon sa DA-4K, ang mga tagumpay ng mga katutubo ay patunay ng tagumpay rin ng maayos at inclusive na pamamahala ng gobyerno sa larangan ng agrikultura.
Pasasalamat at panawagan para sa mas inklusibong kaunlaran
Lubos ang pasasalamat ng DA-4K sa buong pamunuan ng Department of Agriculture, sa pangunguna ni Secretary Francisco Tiu P. Laurel Jr., Undersecretary for Operations Engr. Roger V. Navarro, at sa lahat ng kawani ng ahensya na patuloy na nagsisilbi sa mga layunin ng programa.
Pinasalamatan din ang Tadyong Tribal Farmers Association Inc. at ang DA-4K Bicol Region sa pagiging katuwang sa pagsusulong ng isang makatarungan at inklusibong kaunlaran para sa mga katutubo at sa buong sektor ng agrikultura sa bansa.
Habang ipinagdiriwang ang Indigenous Peoples Month ngayong Oktubre, patuloy ang panawagan para sa mas malawak na suporta at pagkilala sa karapatan, kultura, at kakayahan ng mga katutubo — mga tunay na haligi ng kaunlaran sa mga kanayunan.
Maligayang Indigenous Peoples Month! Makiisa sa pagtataguyod ng agrikultura at karapatang pantao para sa lahat.
Pwersa Balita – Your Trusted Source in Agri News

