Umabot na sa record high ang bilang ng mga dayuhang manggagawa sa South Korea matapos lumampas sa 1 milyong marka sa unang pagkakataon, kung saan karamihan sa kanila ay nagtatrabaho sa mga maliliit at katamtamang laking negosyo.
Batay sa datos ng Statistics Korea nitong Martes, nasa 1.01 milyon o 64.7 porsyento ng kabuuang 1.56 milyong dayuhan na may edad 15 pataas ang may trabaho sa bansa noong Mayo. Ang bilang na ito ay tumaas ng 87,000 katao o 0.2 porsyento kumpara sa nakaraang taon.
Sa kabuuang bilang ng mga dayuhang manggagawa, 73.2 porsyento ang nagtatrabaho sa mga kumpanyang may mas mababa sa 50 empleyado, habang 24.1 porsyento naman ang nasa mga kumpanyang may 50 hanggang 299 empleyado. Samantala, 2.7 porsyento lamang ang nagtatrabaho sa mga malalaking korporasyon na may higit sa 300 empleyado.
Ayon sa datos, nanatiling halos pareho ang distribusyon ng mga dayuhang manggagawa sa nakalipas na dekada. Noong 2012, 79.1 porsyento ng mga dayuhan ay nagtatrabaho sa maliliit na negosyo, habang 3.4 porsyento ang nasa malalaking kumpanya. Nagsimula ang Statistics Korea sa pangongolekta ng datos na ito noong 2012.
Pagdating sa nasyonalidad, nangunguna ang mga etnikong Koreano na may hawak na Chinese nationality sa 33.8 porsyento, sinundan ng mga Vietnamese sa 12.2 porsyento, at mga Chinese sa 4.2 porsyento.
Tungkol naman sa kita, 51.2 porsyento ng mga dayuhang manggagawa ang kumikita ng 2 milyon hanggang 3 milyong won (USD1,392-USD2,089) kada buwan, habang 37.1 porsyento naman ang kumikita ng higit sa 3 milyong won.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

