Patuloy na binabantayan ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang isang low pressure area (LPA) na nasa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR), ayon sa kanilang ulat nitong Martes.
Ayon sa PAGASA, bandang alas-3 ng madaling araw ay namataan ang LPA sa layong 295 kilometro timog-silangan ng Kalayaan, Palawan. Bahagi ito ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) na siyang nagdadala ng pag-ulan at pagkulog.
Bagaman maliit ang tiyansang maging bagyo ang nasabing LPA sa susunod na 24 oras, inaasahang magdadala ito ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkidlat-pagkulog sa Palawan.
Dahil din sa ITCZ, mararanasan ang katulad na lagay ng panahon sa Mindanao, Western Visayas, at Negros Island.
Samantala, ang easterlies naman o mainit na hangin mula sa silangan ang magdadala ng kalat-kalat ding pag-ulan sa Eastern Samar, Leyte, at Southern Leyte.
Nagbabala ang PAGASA na ang katamtaman hanggang malalakas na pag-ulan sa mga nabanggit na lugar ay maaaring magdulot ng flash floods o biglaang pagbaha at pagguho ng lupa.
Sa nalalabing bahagi ng bansa, makakaranas din ng mga panaka-nakang pag-ulan at pagkulog-pagkidlat na dulot ng easterlies.
Nananatiling mahina hanggang katamtaman ang hangin at banayad hanggang katamtaman ang pag-alon ng karagatan sa buong kapuluan.
Samantala, nagbabala rin ang PAGASA hinggil sa matinding init ng panahon. Sa Aparri, Cagayan, tinatayang aabot sa 45°C ang heat index o ang temperaturang nararamdaman ng katawan base sa aktuwal na temperatura at halumigmig ng hangin.
Inaasahan ding aabot sa 44°C ang heat index sa mga sumusunod na lugar: Laoag City (Ilocos Norte), Dagupan City (Pangasinan), Tuguegarao City (Cagayan), ISU Echague (Isabela), Baler Radar (Aurora), at Tarlac Agricultural University.
Maaari namang umabot sa 43°C ang heat index sa Casiguran (Aurora), Infanta (Quezon), Sangley Point (Cavite City), Masbate City, Butuan City (Agusan del Norte), Cubi Point (Subic Bay, Olongapo City), Iba (Zambales), CSLSU Muñoz (Nueva Ecija), at MMSU Batac (Ilocos Norte).
Sa mga lugar tulad ng Sinait (Ilocos Norte), Bacnotan (La Union), Clark Airport, San Ildefonso (Bulacan), Ambulong (Tanauan, Batangas), Daet (Camarines Norte), Legazpi City (Albay), CBSUA-Pili (Camarines Sur), Iloilo City, at Dumangas (Iloilo), inaasahang aabot sa 42°C ang heat index.
Ayon sa PAGASA, kapag pumalo sa pagitan ng 42°C hanggang 51°C ang heat index, ito ay nasa “danger level.” Pinapayuhan ang publiko na mag-ingat sa posibleng epekto tulad ng heat cramps, heat exhaustion, at heat stroke lalo na kung matagal ang pagkakababad sa init.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🌐 Facebook
📺 YouTube
🐦 X (Twitter)
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

