Inaasahang magdudulot ng malaking tulong sa turismo at ekonomiya ng bansa ang bagong bukas na direktang biyahe mula Vancouver, Canada patungong Maynila, ayon sa Malacañang nitong Martes.
Sa isang press briefing, inihayag ni Claire Castro, Press Officer ng Presidential Communications Office, na ang bagong ruta ay magpapadali sa paglalakbay ng mga turista mula Canada patungo sa Pilipinas.
“Mas mainam kung may direktang biyahe na ang mga pasahero, lalo na kung mula sa malalayong bansa tulad ng Canada. Ito ay malaking ginhawa para sa mga biyahero,” ayon kay Castro.
Dagdag pa niya, mas maraming turista mula Canada ang inaasahang bibisita sa Pilipinas dahil sa bagong flight route na ito na binuksan ng Air Canada, ang pangunahing airline ng nasabing bansa.
“Dahil dito, mas magiging aktibo ang palitan ng turista sa pagitan ng dalawang bansa, at ito rin ay magdudulot ng benepisyo sa kani-kanilang mga ekonomiya,” sabi pa niya.
Ang bagong ruta ng Air Canada ay nagsimula noong nakaraang linggo at tatlong beses kada linggo ang biyahe sa buwan ng Abril — tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes. Magsisimula naman ang apat na beses kada linggong biyahe sa buwan ng Mayo.
Batay sa tala ng Department of Tourism, noong 2024 ay pumangatlo ang Canada sa pinakamataas na bilang ng dayuhang bumisita sa bansa, na umabot sa 269,300 turista at nakapag-ambag ng humigit-kumulang USD304.32 milyon sa lokal na ekonomiya.
Bukod sa pagpapasigla ng turismo, inaasahan din ng Malacañang na mas titibay ang ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Canada, at mas lalawak ang oportunidad para sa negosyo at paglalakbay.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

