Matagumpay na isinagawa ng Police Regional Office (PRO) 7 ang isang malawakang operasyon laban sa iligal na paggawa ng mga baril, kung saan 15 pabrika ng baril ang sabay-sabay na isinara sa Barangay Cahumayan, Danao City nitong Martes, Mayo 20.

Ayon kay PRO 7 Regional Director Brig. Gen. Redrico Maranan, ang operasyon ay alinsunod sa direktiba ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil na buwagin ang mga pinagmumulan ng loose firearms sa buong bansa.

Pinangunahan mismo ni Maranan ang operasyon, katuwang ang mga tauhan ng Regional Mobile Force Battalion 7 (RMFB7) at Danao City Police Station, bilang bahagi ng kanilang estratehikong kampanya kontra sa mga grupong kriminal, sindikato ng droga, mga private armed groups, at mga rebeldeng armadong grupo.

Nag-ugat ang operasyon sa matagumpay na mga intelligence gathering mula Marso 21 hanggang Mayo 16, 2025, kung saan natukoy ang lawak ng operasyon ng mga ilegal na gumagawa ng baril sa lugar.

Sa isinagawang raid, walong suspek ang naaresto habang 10 barong-barong na ginagamit bilang pabrika ang giniba. Nasamsam rin ang 10 lathe machines, mga yari at hindi pa natatapos na baril, at iba’t ibang kagamitan sa paggawa ng armas.

“Ang sabay-sabay na pagbuwag sa 15 iligal na pabrika ng baril ay patunay ng seryosong layunin ng PRO 7 na alisin ang banta ng mga armas sa rehiyon,” pahayag ni Maranan.

Dagdag pa niya, ang mga armas na ginagawa sa mga naturang pabrika ay pangunahing pinanggagalingan ng supply ng mga grupong kriminal, sindikato ng droga, mga armadong pribadong grupo, at mga terorista, kabilang ang NPA.

Ayon sa opisyal, ang operasyong ito ay hindi lamang tagumpay para sa Danao City o Central Visayas, kundi isang estratehikong tagumpay laban sa mga sindikatong nagkakalat ng karahasan sa buong bansa.

Hinimok din ng PRO 7 ang publiko na patuloy na makiisa sa kanilang mga programa upang matiyak ang kapayapaan at kaligtasan ng bawat komunidad sa rehiyon at sa buong Pilipinas.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:
https://www.facebook.com/PwersaBalita/
www.youtube.com/@pwersabalita
https://x.com/PwersaBalita
https://www.tiktok.com/@pwersabalita
https://www.instagram.com/pwersabalita/
https://www.threads.net/@pwersabalita


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *