UN, Nanawagan sa Pagwawakas ng Pag-okupa ng Israel sa Teritoryo ng Palestine sa Loob ng 12 Buwan

UN, Nanawagan sa Pagwawakas ng Pag-okupa ng Israel sa Teritoryo ng Palestine sa Loob ng 12 Buwan

Noong Miyerkules, ipinasa ng United Nations General Assembly (UNGA) ang isang hindi sapilitang resolusyon na nananawagan na wakasan ng Israel ang okupasyon nito sa mga teritoryo ng Palestine sa loob ng susunod na 12 buwan. Sa botong 124 pabor, 14 tutol, at 43 abstensyon, ipinasa ang resolusyon sa ika-10 emergency special session ng UNGA kaugnay sa mga aksyon ng Israel sa sinasakop na East Jerusalem at iba pang bahagi ng Occupied Palestinian Territory.

Ipinakilala ng Estado ng Palestine ang resolusyon noong Martes, na sinuportahan ng higit sa dalawang dosenang bansa. Sa ilalim ng resolusyong ito, hinihiling ng UNGA na agad na wakasan ng Israel ang ilegal na presensya nito sa sinasakop na Palestinian Territory, na itinuturing na patuloy na paglabag sa internasyonal na batas.

Bukod dito, hinihiling ng UNGA na tuparin ng Israel ang lahat ng legal na obligasyon nito ayon sa internasyonal na batas, kabilang na ang mga payo mula sa International Court of Justice. Bago pa ang botohan, inihayag ni Mohamed Issa Abushahab, permanenteng kinatawan ng United Arab Emirates sa United Nations, na dapat tugunan ang krisis panghumanitarian sa Gaza sa pamamagitan ng pagbibigay ng tulong sa mga nangangailangan, pagtatapos ng kaguluhan, at ganap na pagpapatupad ng lahat ng kaugnay na resolusyon ng Security Council.

Ayon kay Abushahab, mahalaga ring simulan muli ang isang makabuluhang proseso ng kapayapaan tungo sa solusyong two-state upang maibsan ang labanan. Binigyang-diin din niya ang suporta para sa ganap na estado ng Palestine at pagiging miyembro ng UN. “Panahon na upang wakasan ang pagdurusa,” wika niya.

Sa pag-introduce ng resolusyon noong Martes, sinabi ni Riyad Mansour, permanenteng tagamasid ng Estado ng Palestine sa UN, na ang mga Palestinian ay patuloy na nagpupunyagi para sa kanilang hindi natitinag na karapatan na maging malaya. Binigyang-diin niya ang pangarap ng mga Palestinian na mamuhay nang ligtas, malaya, at makapagtayo ng isang malayang estado sa loob ng mga hangganan noong 1967, kasama ang East Jerusalem bilang kabisera nito.

Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *