Nakapagtala ang Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ng mahigit ₱7.72 bilyong halaga ng pamumuhunan mula Enero hanggang Marso 2025—tatlong ulit na mas mataas kumpara sa ₱2.49 bilyon na naitala sa kaparehong panahon noong 2024.
Ayon kay Joshua Bingcang, Pangulo at CEO ng BCDA, malaki ang naging bahagi ng mga ari-arian ng gobyerno gaya ng New Clark City sa Tarlac at Camp John Hay sa Baguio City sa pagtaas ng interes ng mga mamumuhunan.
“Ang malakas na performance ng BCDA ay patunay ng patuloy na tiwala ng pribadong sektor sa pangmatagalang potensyal ng ating mga economic zones. Ang mga ito ay inaasahang magbubunsod ng mas masiglang kalakalan at paglago ng ekonomiya, na magbibigay ng mas maraming trabaho at kabuhayan sa mga komunidad,” ani Bingcang sa isang pahayag nitong Linggo.
Pinakamalaking bahagi ng pamumuhunan ay mula sa lokal na sektor, na naglaan ng ₱5.81 bilyon, habang ₱1.91 bilyon naman ang mula sa mga dayuhang mamumuhunan.
Isa sa mga pangunahing proyekto ay ang ₱2.7 bilyon mula sa Science Park of the Philippines, Inc., na lumagda ng 50-taong lease agreement para sa pag-develop ng isang 100-ektaryang industrial park sa New Clark City.
Kabilang din sa malalaking proyekto ay ang isang ₱4.8 bilyong pabahay sa New Clark City na pinangunahan ng Filipino-South Korean consortium na binubuo ng Sta. Clara International Corp., Saekyung Realty Corp., at Korea Overseas Infrastructure and Urban Development Corp.
Bahagi ng proyekto ang pagsuporta sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Samantala, sa Camp John Hay, apat na lokal na kumpanya ang nagbigay ng bagong investments matapos maibalik ng BCDA ang kontrol sa 247-ektaryang lupa.
Naglaan ng ₱178 milyon ang Stern Real Estate Development Corp. para sa pagpapalawig ng Le Monet Hotel at ng Filling Station food court.
Tatlong kumpanya sa pagkain at inumin—Top Taste and Trading, Inc., Prime Collective Corp., at Amare La Cucina—ang naglaan ng pinagsamang ₱70 milyon para magtayo ng mga bagong kainan at café sa lugar.
“Habang patuloy nating itinatayo ang mga lungsod na inklusibo, sustenable, at handa sa kinabukasan, bukas ang BCDA sa mas marami pang mamumuhunan na nais maging katuwang sa pagsasakatuparan ng mga makabuluhang proyekto para sa mas maunlad na Pilipinas,” dagdag pa ni Bingcang.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman—kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
📘 Facebook
📺 YouTube
🐦 X/Twitter
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

