Mas pinapalakas ng Philippine National Police (PNP) ang kampanya laban sa agricultural smuggling, isang matagal nang suliranin na banta sa seguridad sa pagkain, nagpapahirap sa mga magsasaka, at nagpapahina sa ekonomiya ng bansa.
Isa sa mga pangunahing hakbang ng PNP ay ang pagtugis sa mga iligal na negosyong nagpapasok ng smuggled rice, sibuyas, asukal, at iba pang pangunahing produkto. Ayon sa datos, bilyon-bilyong piso ang nawawala sa kita ng gobyerno habang libu-libong magsasaka ang nawawalan ng hanapbuhay dahil sa ganitong mga gawain.
Bagamat mas madalas na mapansin ang smuggling ng sigarilyo at elektronikong produkto, mas malawak ang epekto ng agricultural smuggling sa ekonomiya. Binabagsak nito ang presyo ng ani ng mga lokal na magsasaka, pinapahina ang kanilang kabuhayan, at sinisira ang patas na kumpetisyon sa merkado. Noong 2023, tinatayang umabot sa ₱3 bilyon ang nawalang kita dahil dito.
Mas Pinalakas na Batas Kontra Smuggling
Bilang tugon, ipinatutupad na ng PNP ang mas mahigpit na batas laban sa smuggling, kabilang na ang Republic Act 12022 o Anti-Agricultural Economic Sabotage Act.
Sa ilalim ng batas na ito, mas pinabigat ang parusa sa mga smuggler, hoarder, at mapagsamantalang negosyante na itinuturing nang economic sabotage, kung saan ang mga mahuhuli ay maaaring makulong nang habambuhay at pagmultahin ng halagang tatlong beses ang halaga ng mga nakumpiskang produkto.
Ayon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., hindi niya palalampasin ang mga sindikatong nagpapahirap sa lokal na agrikultura.
“Wala nang backdoor deals, wala nang shortcut, at lalong wala nang pagsasawalang-bahala sa Bagong Pilipinas,” babala ng Pangulo.
Bukod dito, may probisyon din ang batas para sa Daily Price Index upang mapanatili ang transparency sa presyo ng mga produktong agrikultural. Ang sinumang mapatunayang sangkot sa pagtago, pag-iimbak, at pagbebenta ng smuggled goods ay maaaring makulong ng 20 hanggang 30 taon at pagmultahin ng dobleng halaga ng produkto.
PNP: Mas Pinahigpit na Pagbabantay sa mga Pantalan at Hangganan
Kasabay ng pagpapatupad ng batas, mas pinalakas din ng PNP at Bureau of Customs (BOC) ang pagbabantay sa mga pangunahing pantalan at border areas upang harangin ang iligal na importasyon ng produktong agrikultural.
Ayon kay PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil, patuloy silang nakikipag-ugnayan sa iba pang ahensya upang hulihin at kasuhan ang mga smuggler, hoarder, at profiteer, partikular sa sektor ng bigas.
“Buong suporta ang PNP sa pagpapatupad ng batas na ito upang maprotektahan ang ating sektor ng agrikultura at matiyak na ang bawat Pilipino ay may access sa abot-kayang pagkain na produkto ng ating mga magsasaka,” ani Marbil.
Sinang-ayunan ito ni BOC Commissioner Bienvenido Rubio, na nagsabing mas magiging epektibo ang kampanya kontra smuggling dahil sa bagong batas na nagbibigay ng malinaw na mandato sa BOC upang tugisin at parusahan ang mga smuggler.
Magsasaka, Patuloy na Naghihirap Dahil sa Smuggling
Ayon sa Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, patuloy nilang tutugisin ang mga smuggler at mapagsamantalang negosyante upang mapigilan ang illegal na pagpapasok ng produkto na sumisira sa lokal na merkado.
Isa sa mga pangunahing naapektuhan ay ang mga magsasaka ng sibuyas, na napipilitang ibenta ang kanilang ani sa paluging halaga dahil sa pagdagsa ng mas murang smuggled onions. Ganoon din ang nangyayari sa bigas, kung saan ang iligal na imported na butil ay nagpapababa sa presyo at nagpapahirap sa mga lokal na magsasaka.
Ayon sa PNP, mahalaga rin ang kooperasyon ng pribadong sektor upang mapabilis ang paglaban sa agricultural smuggling. Kasalukuyan silang nakikipag-ugnayan sa farm cooperatives, logistics companies, at consumer watchdog groups upang masupil ang iligal na bentahan ng mga produktong agrikultural.
Patuloy na palalakasin ng pamahalaan ang pagpapatupad ng batas at pagpapaigting ng seguridad sa sektor ng agrikultura. Sa tulong ng matibay na polisiya, mas mahigpit na enforcement, at kooperasyon ng publiko, inaasahang masusugpo ang smuggling na matagal nang nagpapahirap sa mga magsasakang Pilipino.
—
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:
🔹 Facebook
🔹 YouTube
🔹 X/Twitter
🔹 TikTok
🔹 Instagram
🔹 Threads

