Muling umangat ang pangalan ng Pilipinas sa larangan ng pandaigdigang turismo matapos nitong makatanggap ng pitong nominasyon sa prestihiyosong 2025 World Travel Awards, ayon sa Malacañang nitong Huwebes.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, ang mga nominasyon ay sumasalamin sa likas na ganda ng bansa at sa matinding pagtutok ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pagpapalago ng industriya ng turismo.

“Muling kinilala ang Pilipinas sa iba’t ibang kategorya sa 2025 World Travel Awards,” pahayag ni Castro.
“Ang mga nominasyong ito ay patunay sa likas na kagandahan ng ating bansa at sa determinasyon ng administrasyong Marcos na paunlarin pa ang sektor ng turismo.”

Ayon sa Department of Tourism (DOT), kabilang sa mga kategoryang pinagtatanggol ng bansa ang mga sumusunod:

  • Asia’s Leading Beach Destination

  • Asia’s Leading Dive Destination

  • Asia’s Leading Island Destination

Bukod pa rito, may kanya-kanyang nominasyon din ang mga pangunahing destinasyon ng bansa:

  • Boracay bilang Asia’s Leading Luxury Island Destination

  • Intramuros bilang Asia’s Leading Tourist Attraction

  • Cebu bilang Asia’s Leading Wedding Destination

Hindi rin nagpahuli ang DOT na muling nominado bilang Asia’s Leading Tourist Board.

Pinaalalahanan naman ng Palasyo ang publiko na maaaring bumoto sa opisyal na website ng World Travel Awards sa https://www.worldtravelawards.com/vote. Bukas ang botohan mula Abril 1 hanggang Agosto 31. Kailangan lamang gumawa ng account upang makaboto.

Matatandaang mula pa 2019, hawak na ng Pilipinas ang titulo bilang Asia’s Leading Dive Destination. Sa parehong taon, nasungkit rin ng Boracay ang parangal bilang Asia’s Leading Luxury Island Destination, Intramuros bilang Asia’s Leading Tourist Attraction, at Cebu bilang Asia’s Leading Wedding Destination.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads


Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *