Isa na namang mahalagang tagumpay para sa kalayaan sa pamamahayag ang naitala ng Pilipinas matapos ihayag ni Presidential Communications Secretary Jay Ruiz na wala ni isang kaso ng media killing ang naitala sa bansa sa buong taong 2024 — unang beses sa loob ng mahigit dalawang dekada.

“Ito po ay isang malaking accomplishment,” ani Ruiz sa isinagawang press briefing, kasabay ng muling paglulunsad ng Media Vanguards katuwang ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) at ang Philippine National Police (PNP).

Ayon kay Ruiz, layunin ng Media Vanguards na panatilihin ang magandang rekord na ito, lalo na’t papalapit ang midterm elections kung saan mas nagiging aktibo at bukas sa panganib ang mga miyembro ng media.

“Bantayan at protektahan natin ang ating mga mamamahayag upang magpatuloy sila sa kanilang mahalagang papel bilang tagapaghatid ng balita at tinig ng publiko,” panawagan ni Ruiz.

Dagdag pa ni PTFoMS Executive Director Usec. Joe Torres, ang Media Vanguards ay magiging isang dedikadong puwersa na handang rumesponde at tumulong sa mga banta laban sa mga mamamahayag.

“Layunin ng inisyatibong ito na siguraduhin ang kaligtasan ng media practitioners, na siyang nagsusulong at nagtatanggol ng press freedom sa ating bansa,” saad ni Torres.

Inanunsyo rin ni Torres na magsasagawa ang PTFoMS ng mga workshop at seminar sa mga susunod na buwan upang mahasa at mabigyan ng sapat na kaalaman at kagamitan ang mga mamamahayag para sa kanilang proteksyon habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *