Mas pinaigting ng Estados Unidos ang suporta nito sa modernisasyon ng imprastraktura ng Pilipinas, sa kabila ng paghinto ng ilang US financing programs sa ibang bansa sa ilalim ng administrasyong Trump.
Ayon kay Secretary Frederick Go, Special Assistant to the President for Investment and Economic Affairs, tinaasan ng United States Trade and Development Agency (USTDA) ang pondo para sa pre-feasibility study ng Subic-Clark-Manila-Batangas (SCMB) Cargo Railway, mula $2.5 milyon (₱138.8 milyon) patungong $3.8 milyon.
Ipinabatid umano ng USTDA sa pamahalaang Pilipino ang naturang dagdag-pondo noong Abril 28, kasunod ng isang masusing proseso para sa pagpili ng US consultancy firm na gagawa ng pag-aaral.
Nakaiskedyul ang pagpupulong ng OSAPIEA, Department of Transportation, at US Embassy sa Maynila sa mga susunod na araw para pinal na lagdaan ang Beneficiary Agreement para sa proyekto.
“Magandang balita ito para sa ating bansa,” ani Go. “Patunay ito na mas matatag na ang ugnayang pang-ekonomiya ng Pilipinas at Estados Unidos kaysa dati.”
Dagdag pa ni Go, ang pagtaas ng grant mula sa USTDA ay nagpapakita ng lumalaking kumpiyansa ng mga dayuhang mamumuhunan, at inaasahang magbubukas ito ng mas maraming trabaho sa kahabaan ng Luzon Economic Corridor.
Sa kabila ng pagbabawas ng ilang tulong-panlabas ng US sa iba’t ibang bansa, ipinakita ng naturang dagdag-pondo na nananatili ang dedikasyon ng Washington sa mga prayoridad sa pag-unlad ng Pilipinas, lalo na sa mga proyekto sa imprastraktura at konektibidad.
Maliban sa pondo mula sa Amerika, patuloy rin ang pakikipag-ugnayan sa Swedfund, ang development financier ng Sweden, na posibleng magbigay ng karagdagang $1.2 milyon bilang suporta sa proyekto ng SCMB railway.
Ang SCMB Cargo Railway ang pangunahing proyekto sa ilalim ng Luzon Economic Corridor (LEC), na layong pagdugtungin ang mga pangunahing industriyal at kalakalang sona sa Subic Bay, Clark, Maynila, at Batangas.
Kapag naisakatuparan, inaasahang mas mapapabilis ang logistics operations, bababa ang gastusin sa transportasyon, at lalakas ang kompetisyon ng rehiyon—habang nagbubukas ng libo-libong trabaho para sa mga Pilipino.
Ang LEC ay isa sa mga resulta ng trilateral na pagpupulong ng Pilipinas, Estados Unidos, at Japan noong Abril 2024. Nauna nang inanunsyo ni Go na nagpahayag rin ng interes na makilahok sa proyekto ang United Kingdom, Sweden, at Australia.
Samantala, ipinabatid naman ni French Minister Delegate for Foreign Trade Laurent Saint-Martin kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang interes ng France na makibahagi rin sa proyektong ito sa kanyang pagbisita sa Pilipinas noong nakaraang buwan.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman—kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🌐 Facebook
📺 YouTube
🐦 X/Twitter
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

