Nanawagan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga pinuno ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) na pabilisin ang pagpapatupad ng isang legal at may bisa na Code of Conduct (COC) para sa South China Sea, kasabay ng patuloy na tumitinding tensyon sa rehiyon.
Sa kaniyang talumpati sa 46th ASEAN Summit na ginanap sa Kuala Lumpur, Malaysia, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng COC upang mapanatili ang kapayapaan, maiwasan ang hidwaan, at mapangalagaan ang karapatan sa karagatan.
“Napapanahon at kinakailangan na ang pagpapatupad ng isang legal at epektibong Code of Conduct sa South China Sea,” ayon kay Pangulong Marcos. “Mahalaga ito upang mapanatili ang kaayusan at mapigilan ang mga hindi pagkakaunawaan sa karagatan.”
Ang panawagan ay kasunod ng paulit-ulit na insidente ng agresyon ng China laban sa mga bansa sa Timog-Silangang Asya, partikular na ang Pilipinas at Vietnam.
Kamakailan lamang, dalawang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang nasira matapos tabigin at kanyunin ng tubig ng China Coast Guard (CCG) habang nagsasagawa ng marine scientific research sa bahagi ng Pag-asa Cay 2 (Sandy Cay), na nasa kanluran ng Pag-asa Island sa Kalayaan Island Group.
Patuloy na inaangkin ng China ang teritoryong ito sa kabila ng mga internasyonal na desisyong pabor sa Pilipinas at ibang bansa sa ASEAN.
Mahigit dalawang dekada na ang negosasyon ukol sa COC sa pagitan ng China at ASEAN, ngunit nananatili itong walang konkretong resulta.
Binigyang-diin din ng Pangulo na ang pagkakaroon ng matatag, mapayapa, at ligtas na rehiyon ay dapat sentro ng layunin ng ASEAN.
“Bilang bahagi ng ASEAN Community Vision 2045, patuloy ang pagtutulungan ng Pilipinas upang ang rehiyon ay maging maunlad, makabago, ligtas, at batay sa batas,” ani Marcos.
Tinalakay rin ng Pangulo ang iba pang hamon sa rehiyon gaya ng climate change, pabagu-bagong ekonomiya, at mga krimeng transnasyonal, at nanawagan para sa mas matatag na kooperasyon at institusyonal na katatagan.
“Halos kalahati ng populasyon sa ASEAN ay lantad sa matinding panganib na dulot ng pagbabago ng klima,” babala ni Marcos.
Hinimok niya ang mga kapwa lider na palakasin ang pondo para sa mga solusyon sa climate crisis, at suportahan ang makatotohanang, maka-agham, at makabagong mga proyekto para rito.
Pinagtibay din ni Marcos ang paninindigan ng Pilipinas para sa inklusibong pag-unlad, at binigyang-halaga ang pagsasanay at proteksyon sa mga manggagawa ng rehiyon.
“Dapat tayong magtulungan upang maabot ang kinabukasang ating minimithi para sa ASEAN,” dagdag ng Pangulo. “Kailangan nating ihanda ang ating mga manggagawa para sa mas maunlad na kinabukasan.”
Pinuri rin niya ang pagsang-ayon ng ASEAN na umiwas sa mga ganting hakbang sa ekonomiya at binigyang-pugay ang pamumuno ng Malaysia sa mga usapang naglalayong panatilihin ang katatagan sa rehiyonal na kalakalan.
“Bilang suporta sa pamumuno ng Malaysia sa ASEAN sa 2025, handa ang Pilipinas na ituloy ang ating mga napagtagumpayan at panatilihin ang momentum hanggang 2026,” aniya.
Ang Maynila ang magiging punong-abala ng ASEAN Summit sa susunod na taon.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🔵 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
🔴 www.youtube.com/@pwersabalita
🐦 https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita

