Patuloy na nakararanas ng pag-ulan ang ilang bahagi ng Luzon dulot ng Typhoon Yagi (dating Severe Tropical Storm Enteng) at ang southwest monsoon o “habagat,” ayon sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ngayong Huwebes. Dahil dito, umapaw na ang La Mesa Dam matapos umabot ang lebel ng tubig nito sa 80.17 metro, mas mataas sa spilling level na 80.15 metro.
Ayon sa PAGASA, asahan ang magaan hanggang katamtamang pag-ulan sa susunod na 12 oras. Maaaring maapektuhan ang mga lugar malapit sa Tullahan River, kaya’t pinaalalahanan ang mga residente sa mga mabababang lugar na maging handa at agad na lumikas kung kinakailangan.
Samantala, magdudulot ng kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog-pagkidlat ang buntot ni Yagi sa mga lugar tulad ng Cordillera Administrative Region, Ilocos Norte, at Ilocos Sur. Ang habagat naman ang magdadala ng ulan sa Pangasinan, Zambales, Bataan, Occidental Mindoro, Metro Manila, La Union, Cavite, Batangas, Rizal, Laguna, Oriental Mindoro, Northern Palawan, at iba pang bahagi ng Central Luzon.
Inaasahan din ang kalat-kalat na pag-ulan sa Marinduque at Romblon, habang ang natitirang bahagi ng bansa ay makararanas ng pag-ulan dulot ng localized thunderstorms. Pinag-iingat din ng PAGASA ang mga residente sa western section ng Luzon dahil sa malalakas na hangin at maalon na karagatan. Ang natitirang bahagi ng Luzon ay magkakaroon ng katamtaman hanggang malalakas na hangin at medyo maalon na dagat.
Mahigit 1.6 Milyong Indibidwal ang Apektado
Sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), tinatayang nasa 410,371 pamilya o katumbas ng 1,610,322 katao ang naapektuhan ng mga weather disturbances na ito. Sila ay mula sa 1,279 barangay sa Ilocos region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Cordillera Administrative Region (CAR), at National Capital Region.
Sa mga ito, 8,842 pamilya o 36,399 katao ang pansamantalang nanunuluyan sa 297 evacuation centers, habang 5,005 pamilya o 14,648 katao ang tumanggap ng tulong sa labas ng evacuation centers.
Sa kasalukuyan, 13 ang naitalang nasawi, 11 ang nasugatan, at 15 ang nawawala. Ang mga biktima ay kinabibilangan ng pito mula sa Calabarzon, tatlo mula sa Bicol, dalawa mula sa Central Visayas, at isa mula sa Western Visayas. Ang mga ulat na ito ay kasalukuyang sumasailalim pa sa beripikasyon.
Naitala rin ang pagkasira ng 651 kabahayan sa pitong rehiyon.
Maghanda sa Mas Malalakas na Panahon
Hinimok ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. ang publiko na maghanda para sa mga paparating na bagyo, lalo na’t inaasahan ang epekto ng La Niña phenomenon. Ito ang kanyang paalala matapos mamahagi ng mga food packs at iba pang relief items sa mga biktima ng Tropical Storm Enteng sa Naga City, Camarines Sur noong Miyerkules.
“Ayon sa PAGASA, maaaring makaranas tayo ng isa hanggang tatlong bagyo bawat buwan bago matapos ang taon,” ani Abalos. Pinayuhan din niya ang publiko na maging mapagmatyag at agad lumikas sa mas ligtas na lugar kung kinakailangan.
Ang Bicol region ang isa sa mga pinakamatinding tinamaan ng bagyong Enteng.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:
- https://www.facebook.com/PwersaBalita/
- www.youtube.com/@pwersabalita
- https://x.com/PwersaBalita
- https://www.tiktok.com/@pwersabalita
- https://www.instagram.com/pwersabalita/
- https://www.threads.net/@pwersabalita

