Nasabat ng Bureau of Customs (BOC) ang 14 na 20-foot container vans ng mga diumano’y maling inideklarang asukal na galing sa Vietnam, na may tinatayang halaga na ₱28.72 milyon.
Pinangunahan ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio ang inspeksyon nitong Huwebes sa mga nakumpiskang agricultural products, na ayon sa BOC ay lumabag sa mga regulasyon ng ahensya at iba pang kaukulang batas.
Ayon sa ulat ng ahensya, ang mga kargamento na nakalista bilang “sweet mixed powder” ay nanggaling sa Dong Nai Province, Vietnam at unang pinaghinalaan ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) – Port of Subic dahil sa posibleng maling deklarasyon at hindi pagsunod sa mga patakaran.
Matapos ang pisikal na inspeksyon, isinailalim sa pagsusuri ng laboratoryo ang produkto sa tulong ng Sugar Regulatory Administration (SRA). Lumabas na ang sucrose content ng mga sample ay lagpas sa 65%, dahilan upang ito’y muling ikategorya bilang refined sugar, taliwas sa orihinal nitong deklarasyon.
Ang mga natuklasang ito ay lumalabag sa mga sumusunod na batas at alituntunin:
-
SRA Sugar Order No. 7, S. 2003–2004
-
SRA at BOC Joint Memorandum Order No. 04-2002
-
Sections 1400 at 1113 (f)(k) 1, 4, at 5 ng Republic Act 10863 o ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA)
-
Section 7 (a) at (e) ng Anti-Agricultural Smuggling Act
Ipinahayag naman ni Port of Subic District Collector Marlon Fritz Broto na noong Marso 28, naglabas na sila ng Warrant of Seizure and Detention (WSD) para sa mga nasabing produkto na ngayon ay dumaraan sa proseso ng forfeiture.
“Sa pamamagitan ng masusing inspeksyon at mahigpit na pagpapatupad ng batas, patuloy naming pinangangalagaan ang ating hangganan at tinitiyak ang integridad ng lehitimong kalakalan. Lubos ang pasasalamat namin sa SRA sa kanilang suporta,” ani Broto.
Samantala, iginiit ni Commissioner Rubio na ang nasabing operasyon ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang siguridad sa pagkain, panatilihin ang integridad ng kalakalan, at labanan ang agricultural smuggling sa bansa.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

