Tiniyak ng Department of Transportation (DOTr) na handa na ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero ngayong Semana Santa.
Personal na nagsagawa ng inspeksyon si Transportation Secretary Vince Dizon kasama ang mga opisyal ng New NAIA Infra Corp. (NNIC), Manila International Airport Authority (MIAA), at Bureau of Immigration (BI) sa NAIA Terminal 3 nitong Martes ng umaga upang suriin ang kahandaan ng paliparan.
“Nakita naming maayos at handa ang NAIA. Dapat ay tuluy-tuloy ang ganitong kahandaan para sa maayos na biyahe hindi lamang sa Semana Santa kundi sa buong taon,” ani Dizon sa wikang Filipino.
Mas Mabilis ang Daloy sa Immigration
Napansin din ng mga opisyal na mas mabilis ang pila sa immigration at mas kaunti ang mga pasaherong nagkakabuhol sa mga counter. Ayon sa BI, 48 karagdagang tauhan ang idineploy sa NAIA bilang suporta ngayong bakasyon.
Nagbukas rin ng dedicated immigration counters para sa overseas Filipino workers (OFWs) sa Terminal 3 upang mapabilis ang kanilang proseso ng pag-alis o pagdating.
Halos 1.2 Milyong Pasahero, Inaasahang Dadaan sa NAIA
Sa tala ng NNIC General Manager Lito Alvarez, maaaring umabot sa 155,000 hanggang 157,000 ang average daily passenger volume sa NAIA.
Inaasahan din ng San Miguel Corporation-led NNIC na lalampas sa 1.18 milyong pasahero ang magbibiyahe ngayong Semana Santa — mas mataas ng 14.23% kumpara sa 1.04 milyon noong nakaraang taon.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

