Inanunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magsisimula na ang pagpapatupad ng odd/even scheme sa kahabaan ng EDSA simula Hunyo 16, bilang bahagi ng mga hakbang upang maibsan ang inaasahang matinding trapiko dahil sa planong pagsasaayos ng pangunahing kalsada.
Sa isang press conference na ginanap sa MMDA headquarters sa Pasig City nitong Lunes, sinabi ni MMDA Chair Romando Artes na ipagbabawal ang mga sasakyan sa EDSA base sa huling numero ng kanilang plaka.
Ayon sa bagong alituntunin:
-
Lunes, Miyerkules, at Biyernes: Bawal sa EDSA ang mga plakang nagtatapos sa 1, 3, 5, 7, at 9
-
Martes, Huwebes, at Sabado: Bawal naman ang mga nagtatapos sa 0, 2, 4, 6, at 8
-
Walang ipatutupad na scheme tuwing Linggo
“Sa ngayon, ito ay ipatutupad ng 24 oras. Ngunit pinag-aaralan pa rin namin kung maaari itong ilimitahan sa window hours lamang,” ani Artes.
Kasabay nito, magiging toll-free ang bahagi ng Skyway Stage 3 na konektado sa EDSA upang makatulong sa pagdi-distribute ng mga motorista na maaapektuhan ng bagong traffic scheme.
“Yung mga hindi papayagang dumaan sa EDSA, maaari silang dumaan sa Skyway nang libre,” dagdag pa ni Artes.
Ipinagbabawal din ang pagdaan ng mga provincial bus, truck, at malalaking sasakyan sa EDSA mula alas-5 ng umaga hanggang alas-10 ng gabi, dahil sa masikip na kalsadang dulot ng konstruksyon.
Sa layuning mapanatili ang maayos na daloy ng trapiko, muling paiigtingin ng MMDA ang clearing operations sa mga ‘Mabuhay Lanes’ o alternatibong ruta sa Metro Manila.
“Hindi na ito lingguhan lang. Araw-araw na tayong manghuhuli ng mga nakaharang,” babala ni Artes.
Isa rin sa mga ikinukunsidera ng MMDA ay ang pagbabalik ng exclusive motorcycle lane sa EDSA upang mabawasan ang mga banggaan at pagbigat ng trapiko mula sa mga motorsiklong palipat-lipat ng linya. Dagdag pa rito, ipagbabawal na rin ang pagdaan ng motorsiklo sa mga overpass at underpass.
Lahat ng ito ay sasamahan ng no-contact apprehension policy (NCAP) na muling ipatutupad matapos maalis ang pansamantalang restraining order sa nasabing polisiya.
Bilang bahagi ng pagsasanay, inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magkaroon muna ng isang linggong dry run kung saan hindi sisingilin ang mga mahuhuling motorista.
“Sisitahin at bibigyan ng ticket, pero walang multa muna habang dry run,” paglilinaw ni Artes.
Samantala, sinabi ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan na magsisimula na ang paunang konstruksyon ng EDSA rebuild sa gabi ng Hunyo 13, at inaasahang matatapos ito sa taong 2027.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🔵 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
🔴 www.youtube.com/@pwersabalita
🐦 https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita

