Nanatiling matatag ang kinabukasan ng sektor ng information technology at business process management (IT-BPM) ng Pilipinas sa kabila ng pandaigdigang hamon sa ekonomiya at pagbabago ng mga patakaran, ayon sa IT and Business Process Association of the Philippines (IBPAP).

Ayon kay Jack Madrid, pangulo at CEO ng IBPAP, ang tagumpay ng IT-BPM industry ng bansa ay nakabatay sa tatag at husay ng manggagawang Pilipino na kayang makibagay sa pabago-bagong pandaigdigang kalagayan.

“Ang mga bagong patakaran sa ibang bansa at pandaigdigang kaganapan ay nagbibigay ng hamon, ngunit nagtutulak din sa atin upang itaas ang ating kakayahan,” ani Madrid.

Binigyang-diin niya na ang patuloy at agarang pag-upskill ng mga manggagawa, lalo na sa mga larangan ng artificial intelligence (AI), data analytics, at cloud solutions, ay susi upang manatiling mahalagang partner ang Pilipinas sa global IT-BPM sector.

Dagdag pa niya, patuloy na tumataas ang demand para sa IT-BPM services sa buong mundo habang ang mga kumpanya ay naghahanap ng mas episyenteng paraan at inobasyon sa pamamagitan ng outsourcing.

Ayon kay Madrid, ang kakayahan at adaptability ng manggagawang Pilipino, na kilala rin sa kanilang cultural alignment sa global clients, ang nagbibigay ng kalamangan sa Pilipinas.

Bukod dito, ang pakikipagtulungan ng gobyerno, mga akademikong institusyon, at mga lider ng industriya ay naging mahalaga sa tagumpay ng sektor. Ang mga strategic partnerships ay nakatutulong upang maihanda ang workforce para sa hinaharap at mapanatiling kompetitibo ang bansa sa pagbibigay ng high-value at tech-driven solutions.

“Ang kinabukasan ng IT-BPM industry ng Pilipinas ay hindi nakasalalay sa pandaigdigang hamon o patakaran. Ito ay nakasalalay sa lakas ng ating mga tao, ang ating kakayahang umangkop, at ang ating walang patid na dedikasyon sa pagbibigay ng world-class na serbisyo,” pahayag ni Madrid.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *