Inatasan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga Pilipinong uuwi sa kanilang mga probinsya ngayong papalapit na Semana Santa at summer vacation.

Sa isang press briefing sa Malacañang nitong Martes, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na iniutos ng Pangulo sa Department of Transportation (DOTr), kabilang na ang mga kaakibat nitong ahensya, na magsagawa ng mahigpit na inspeksyon sa mga terminal, pantalan, at paliparan upang maiwasan ang anumang aberya sa biyahe ng publiko.

“Nagbigay po ng direktiba ang ating Pangulo hindi lang sa DOTr, kundi sa lahat ng ahensyang may kaugnayan, upang matiyak ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga pasahero na magbibiyahe pauwi sa kanilang mga probinsya o pupunta sa bakasyon,” ani Castro sa harap ng mga mamamahayag sa Palasyo.

Dagdag pa ni Castro, hindi dapat maging kampante ang mga ahensya, lalo’t hindi maiiwasang magkaroon pa rin ng mga insidente ng krimen sa mga ganitong panahon.

“Alam po natin na may mga pagkakataong may mangyayaring hindi kanais-nais, kaya kailangan ang mas pinaigting na pagbabantay—iyan po ang tahasang utos ng ating Pangulo,” giit ni Castro.

Magsasagawa rin ng mas mahigpit na pagbabantay ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang masiguro ang matahimik at ligtas na pagdiriwang ng Mahal na Araw, na nakatakdang ganapin mula Abril 13 (Linggo ng Palaspas) hanggang Abril 19 (Sabado de Gloria).

Samantala, magpapakalat ang Philippine National Police (PNP) ng 40,151 pulis sa ilalim ng “Oplan Ligtas SumVac 2025” upang tiyakin ang kaligtasan ng publiko at siguruhing maayos ang biyahe ng mga bakasyunista ngayong Semana Santa.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *