Mariing pinabulaanan ng Malacañang ngayong Huwebes ang mga kumakalat na pekeng balita sa social media na nagsasabing nagbitiw si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. Ayon sa Palasyo, nananatiling buo ang tiwala at kumpiyansa ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. kay Teodoro.

Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez na ang mga usap-usapan ay walang basehan at isang desperadong tangka upang maghasik ng pagkakawatak-watak sa sektor ng depensa.

“Ang mga balitang ito ay mga kaawa-awang pagsubok para guluhin ang isang organisasyong nagkakaisa sa kanilang misyon na protektahan ang ating mamamayan at ipagtanggol ang ating teritoryo,” ayon kay Chavez.

Dagdag pa niya, “Abala ang ating mga sundalo sa kanilang misyon, kaya’t hindi dapat sila maapektuhan ng pulitikang walang lugar sa kanilang hanay.”

Pinabulaanan din ng Department of National Defense (DND) ang naturang mga tsismis.

“Walang katotohanan ang kumakalat na balita na si Secretary of National Defense Gilberto C. Teodoro Jr. ay nagbitiw na sa kanyang posisyon. Hinihikayat namin ang mga nagpapakalat ng walang basehang kasinungalingan na maging maingat at itigil ang pagpapalaganap ng maling impormasyon,” pahayag ni DND spokesperson Arsenio Andolong.

Binigyang-diin din ni Andolong na dapat maging mapanuri ang publiko laban sa mga maling balitang naglalayong maghasik ng hidwaan at ilihis ang atensyon ng mga Pilipino sa mga totoong isyu na kinakaharap ng bansa.

Dagdag pa niya, naka-focus si Sec. Teodoro at ang buong DND sa pagpapalakas ng kakayahan ng bansa na protektahan ang ating teritoryal na integridad at soberanya.

Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

Facebook: https://www.facebook.com/PwersaBalita
YouTube: www.youtube.com/@pwersabalita
X (Twitter): https://x.com/PwersaBalita
TikTok: https://www.tiktok.com/@pwersabalita
Instagram: https://www.instagram.com/pwersabalita
Threads: https://www.threads.net/@pwersabalita

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *