Mahigit 800 opisyal ng gobyerno, lider ng civil society, at policymaker mula sa mahigit 40 bansa ang nagtipon sa Manila para sa pagho-host ng Pilipinas sa 2025 Open Government Partnership (OGP) Asia and the Pacific Regional Meeting (APRM).

Mula Miyerkules hanggang Biyernes, idaraos ang regional meeting sa Grand Hyatt Hotel, Taguig City, kung saan magaganap ang mga high-level roundtable discussions na tatalakay sa pagpapalakas ng open government at pagtugon sa mga hamon sa rehiyon sa pamamagitan ng pagpapalitan ng pinakamahuhusay na pamamaraan sa Asia-Pacific.

Ayon kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang pagpupulong ay hindi lamang para ipakita ang mga nakamit, kundi isang panawagan para sa pagkakaisa ng mga bansa.

“Ang pagpupulong na ito ay higit pa sa isang pagpapakita ng tagumpay. Ito ay isang panawagan para sa pagkilos at pagkakaisa sa pagitan ng mga bansa… Sa pamamagitan ng tiwala, pagtutulungan, at paniniwala sa kapangyarihan ng ating mamamayan, maaari tayong bumuo ng isang mundo kung saan naririnig ang boses ng bawat mamamayan at may pananagutan ang bawat pamahalaan,” ani Marcos, batay sa inilabas na pahayag ng Department of Budget and Management (DBM).

Ang OGP ay isang pandaigdigang inisyatiba na binubuo ng 75 bansa at 150 lokal na pamahalaan, na kumakatawan sa mahigit dalawang bilyong tao at libu-libong civil society organizations na nagsusulong ng isang transparent, bukas, inklusibo, at may pananagutang gobyerno.

Nakatakdang magbigay ng keynote address si Pangulong Marcos sa pagbubukas ng plenaryo sa Huwebes, habang pangungunahan ni Budget Secretary Amenah Pangandaman, Philippine-OGP Steering Committee Chair, ang pagbibigay ng pambungad na pananalita.

Samantala, magbibigay din ng welcome message si Aurora Chavez, Executive Director ng Malayang Lapian ng mga Kababaihan Inc. at PH-OGP Co-Chairperson, para sa Civil Society Organizations (CSOs). Kasama rin sa plenaryo si Aidan Eyakuze, incoming Chief Executive Officer ng OGP, upang talakayin ang kahalagahan ng naturang partnership.

Tatlong high-level roundtable discussions ang tampok sa pagpupulong, kabilang ang:
“Leadership in Action: Ambition and Collaboration for Strategy 2023-2028”
“Rising to the Challenge: The Road Ahead for Open Government”
“A Regional Agenda for Open Government: How Economic Development, Democratic Security, and Open Government Go Together”

Bukod dito, may higit sa 20 breakout sessions at 35 side events na tatalakay sa mahahalagang isyu tulad ng kabataan, pagbabago ng klima, ekonomiya, paggawa ng polisiya, hustisya, laban sa korapsyon, at digitalisasyon.

Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:
🔵 Facebook
🔴 YouTube
🐦 X
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *