Dahil sa patuloy na masamang panahon, humigit-kumulang 2,520 pampublikong paaralan sa Western Visayas ang lumipat sa Alternative Learning Delivery Mode (ADM) ngayong Lunes matapos isuspinde ang face-to-face classes. Ayon kay Hernani Escullar Jr., tagapagsalita ng Department of Education (DepEd) Western Visayas, kabilang sa mga apektadong lugar ang 532 paaralan sa lalawigan ng Iloilo; 82 sa Guimaras; 537 sa Antique; 66 sa Iloilo City; 70 sa Bacolod City; at 1,233 sa Negros Occidental.
Ayon kay Escullar, patuloy nilang binabantayan ang suspensyon ng mga klase sa 17 school divisions. Bagama’t may ilang lugar na nagpatuloy sa face-to-face classes, sinabi niya na ayon sa kanilang mga alituntunin, awtomatikong lilipat ang mga paaralan sa alternative delivery mode kung magdeklara ng suspensyon ang mga lokal na pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng mga mag-aaral.
Hinikayat niya ang mga magulang na makipagtulungan sa pagpapatuloy ng pag-aaral ng kanilang mga anak habang sila ay nasa kani-kanilang tahanan. Ipinaliwanag niya na ang paglipat sa ADM ay binibilang na isang araw ng klase ayon sa patakaran, kaya hindi na kinakailangang mag-extend ng klase sa pagtatapos ng taon.
“Kaya naman nananawagan kami sa ating mga magulang. Gusto naming protektahan ang kanilang mga anak, kaya hinihiling namin na tiyakin nilang nag-aaral ang kanilang mga anak kahit nasa bahay,” ani Escullar.
Dagdag pa niya, batay sa ulat ng kanilang disaster risk reduction coordinator, wala pang napapaulat na nasirang pasilidad ng DepEd sa Western Visayas dahil sa masamang panahon.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

