Mindanao at Visayas — Umabot na sa mahigit PHP32 milyon ang tulong na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lokal na pamahalaan na apektado ng matinding ulan at pagbaha sa ilang bahagi ng Mindanao at Visayas.
Ayon kay Social Welfare Secretary Rex Gatchalian nitong Huwebes, ang mabilis na pagbibigay ng tulong ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang agad na maibsan ang pangamba ng mga pamilyang nasalanta ng kalamidad.
“Agad na umabot sa ganitong halaga ang tulong habang walang tigil ang kilos ng ahensya para matugunan ang pangangailangan ng mga komunidad na tinamaan ng kalamidad,” ani Gatchalian sa isang pahayag.
Mula pa noong Mayo 15, nagsimula nang bumuhos ang malalakas na ulan dala ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) sa iba’t ibang panig ng Mindanao, na nagdulot ng biglaang pagbaha at landslide.
Noong Mayo 27, tinamaan naman ng walang patid na pag-ulan ang Iloilo City — dulot pa rin ng ITCZ — na nagdulot ng pagbaha sa mabababang lugar at mga barangay na malapit sa ilog at sapa.
Batay sa pinakabagong ulat ng Disaster Response Operations Management, Information and Communication Division ng DSWD, nasa 107,700 na pamilya o katumbas ng 334,579 na indibidwal mula sa 254 barangay sa Western Visayas at ilang bahagi ng Mindanao ang naapektuhan ng masamang panahon.
Tiniyak ni Gatchalian na hindi titigil ang ahensya hangga’t hindi naaabot ang lahat ng komunidad — kabilang na ang mga malalayong lugar at yaong patuloy pang lubog sa baha.
Aniya, nagsasagawa ng sabayang pamamahagi ng family food packs (FFPs) ang mga disaster response personnel ng DSWD sa mga rehiyon katuwang ang mga lokal na pamahalaan.
“Makalipas lamang ang wala pang 24 oras matapos ang pagbaha sa Jaro, Iloilo City, agad na rumesponde ang ating mga tauhan roon upang i-assess ang sitwasyon at mag-abot ng family food packs sa mga apektadong pamilya,” dagdag pa niya.
Bagama’t patuloy ang pamimigay ng tulong, tiniyak ni Gatchalian na sapat pa rin ang suplay ng mga relief items para sa mga sabayang operasyon sa mga apektadong lugar.
“Naipuwesto na ang ating mga food packs sa mga bodega ng rehiyon. Mahigpit din ang koordinasyon ng DSWD sa Ministry of Social Services and Development ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao upang masigurong walang maiiwan,” giit pa ni Gatchalian.
Sa ngayon, may nakaimbak na 545,806 na FFPs at halos PHP240 milyon halaga ng non-food items gaya ng family kits, kitchen kits, at sleeping kits sa buong Mindanao at Western Visayas.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🔵 Facebook
🔴 YouTube
🐦 X (Twitter)
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

