Mahigit 400 dayuhan ang naaresto sa isang pagsalakay sa hinihinalang iligal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) scam hub sa Pasay City nitong Miyerkules, ayon sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC).
Ang operasyon ay isinagawa sa pakikipagtulungan ng pamahalaang lungsod ng Pasay, Philippine National Police Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG), at Department of Justice (DOJ) Office of Cybercrime. Ang sinalakay na pasilidad ay matatagpuan sa One Wheels Condominiums, kung saan natuklasan ang iba’t ibang uri ng online scam.
Ayon sa PAOCC, isang concerned citizen ang nagbigay ng tip matapos mapansin ang pagpasok at paglabas ng maraming dayuhan sa gusali. Sa isinagawang pagsisiyasat, nadiskubre ang operasyon ng cryptocurrency fraud, love scams, investment scams, at spamming activities.
Natagpuan din ng mga awtoridad ang ilang kagamitan na ginagamit sa mga modus, kabilang ang text blasters, one-time password generators, at cold crypto wallets. Napag-alamang ang mga scam ay isinasagawa sa pamamagitan ng mga messaging platforms gaya ng Viber at Telegram.
Sa kabuuan, 401 dayuhan ang inaresto sa operasyon:
- 207 Tsino
- 132 Biyetnamese
- 24 Koreano
- 11 Malaysian
- 14 Indonesiano
- 12 mula sa Myanmar
- 1 mula sa Madagascar
Bukod sa mga dayuhan, 52 Pilipinong manggagawa rin ang natagpuan sa lugar.
Dahil sa iligal na operasyon, agad na naglabas ng cease and desist order ang pamahalaang lungsod ng Pasay. Sinara ang establisyemento dahil sa kawalan ng kaukulang business permit at paglabag sa total ban sa POGOs na ipinatupad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin aming mga social media accounts:
Facebook | YouTube | X | TikTok | Instagram | Threads

