Plano ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na alisin ang EDSA bus lane upang magkaroon ng mas maluwag na daloy ng trapiko sa pangunahing lansangan ng Metro Manila. Ayon kay MMDA Chairperson Romando Artes, napag-usapan ang unti-unting pagtanggal ng bus lane sa isang pulong na pinangunahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Malacañang noong Martes.

Ipinaliwanag ni Artes na ang mungkahi ay kasabay ng pagpapalawak ng kapasidad ng Metro Rail Transit (MRT) na isinasagawa ng Department of Transportation (DOTr).

“Magdadagdag ng isang bagon sa MRT, kaya may dagdag na 30% kapasidad. Inaayos pa ang imprastraktura para ma-accommodate ang mas mahabang bagon,” ani Artes sa isang briefing sa Palasyo.

Ayon sa MMDA, kung kaya nang i-accommodate ng MRT ang mga pasahero ng bus carousel, wala nang dahilan para panatilihin ang bus lane dahil pareho lang ang ruta nito. Sa katunayan, mas epektibo umano ang tren dahil mas marami itong hintuan kumpara sa bus carousel.

Bukod dito, may plano rin ang DOTr na gawing seamless ang paglipat ng mga pasahero mula MRT patungong Light Rail Transit (LRT).

“Ang mungkahi ay kung kaya nang isakay ng MRT ang mga pasahero ng bus carousel, maaari nang alisin ang isang lane upang lumuwag ang EDSA,” dagdag ni Artes.

Isa pang panukala ay gawing “special lane” ang dating EDSA bus lane para sa mga sasakyang may mataas na bilang ng pasahero. “Kung may tatlo o apat kang sakay, ikaw lang ang maaaring gumamit ng espesyal na lane na ito,” paliwanag niya.

Samantala, nakatakdang sumailalim sa rehabilitasyon ang EDSA upang mapabuti ang kalidad ng kalsada. Ayon kay Artes, magsisimula ang pag-aaspalto sa Marso upang mapabilis ang daloy ng trapiko.

“Ang ideal na bilang ng sasakyang dumadaan sa EDSA ay 250,000 kada araw. Ngunit base sa aming huling bilang, umaabot na ito sa 470,000—halos doble ng kapasidad nito. Kaya nagkakaroon talaga ng matinding pagsisikip,” aniya.

Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:
🔵 Facebook
🔴 YouTube
🐦 X
🎵 TikTok
📸 Instagram
🧵 Threads

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *