Nanindigan si Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na bukas ang kanilang tanggapan sa lahat ng nangangailangan ng tulong, kahit walang referral mula sa mga politiko.
“Bawat araw, kahit walang referral, basta pumunta ka sa DSWD office, tutulungan ka. Kung may referral man, tutulungan ka rin,” ani Gatchalian sa isang panayam sa radyo nitong Martes.
Ang pahayag ni Gatchalian ay tugon sa mga ulat na tinanggihan umano ng DSWD ang ilang referral mula sa Office of the Vice President (OVP). Binigyang-diin niya na hindi ginagawang pamantayan ang politika sa pagbibigay ng tulong dahil ang mga lisensyadong social worker ang nangangasiwa rito, at nakaasa sa kanilang mga lisensya ang kanilang propesyon.
Nilinaw din ni Gatchalian na nagkaroon na sila ng koordinasyon sa OVP upang malinawan ang isyu at handa silang magpakita ng mga screenshot ng usapan bilang patunay.
“Sa tingin ko, sapat na ang mga dokumentong ito para ipakita na may o walang referral, tinatanggap namin lahat ng nangangailangan ng tulong sa aming tanggapan,” ani Gatchalian. “Wala kaming rekord na tumanggi kami sa kahit sino.”
Sa pagdinig ng Senado noong Lunes, tiniyak din ni Gatchalian na walang halong politika ang distribusyon ng tulong mula sa DSWD.
“Lahat ng nangangailangan ng tulong ay tutulungan,” sagot ni Gatchalian sa isyung binanggit ni Senator Bong Go ukol sa umano’y pagpasok ng politika sa pagbibigay ng ayuda.
Ipinaliwanag din ng kalihim na hindi nagiging mapili ang DSWD sa mga tinutulungan dahil ang mga social worker ang nagsasagawa ng masusing pagsusuri. “Kapag may referral mula sa mga kongresista o partner, sinisigurado naming maayos ang pag-vet para matiyak na walang dobleng ayuda,” dagdag niya.
Upang matiyak na walang magkakapatong na tulong mula sa iba’t ibang programa ng DSWD, binubusisi ng kanilang mga social worker ang mga listahan, alinsunod sa umiiral na mga panuntunan ng ahensya.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

