Inihayag ng Department of Finance (DOF) na nalutas na ang mga isyu kaugnay ng computation ng National Tax Allotment (NTA) na bahagi ng pondo ng mga local government units (LGUs).

Ayon sa pahayag ng DOF, personal na nilinaw ni Finance Secretary Benjamin Diokno ang mga alalahanin sa ginanap na dayalogo kasama ang ilang city mayors nitong Miyerkules. Sa nasabing pagpupulong, ipinaliwanag ni Diokno ang bawat detalye ng proseso ng pag-compute ng NTA shares.

Dumalo rin sa briefing sina Baguio City Mayor Benjamin Magalong, Quezon City Mayor Joy Belmonte, at Dumaguete City Mayor Felipe Antonio Remollo. Sa nasabing diskusyon, tiniyak ni Diokno na sumusunod ang computations sa 2019 Mandanas-Garcia ruling ng Korte Suprema at iba pang kaugnay na batas.

Naging tampok din sa usapan ang pagkukumpara ng mga kalkulasyon ng LGUs at ng DOF, na nagpakitang halos magkapareho ang resulta ng kanilang mga pagsusuri, kabilang ang mga deductions sa ilalim ng iba’t ibang batas.

“Wala kaming binago o inamyendahan. Ito ay nakabatay sa desisyon ng Korte Suprema at sa isang resolusyon ng Development Budget Coordination Committee na kinonsulta rin sa LGUs. Kami ay lubos na transparent,” pahayag ni Diokno.

Nagpasalamat ang mga city mayor sa DOF sa pagiging bukas nito sa dayalogo at sa pagresolba ng kanilang mga alalahanin. Humingi rin ng paumanhin si Mayor Magalong kay Diokno sa naunang pahayag nito na tila kulang ang nakukuhang NTA shares ng LGUs.

Tiniyak naman ni Diokno na bukas ang DOF sa patuloy na pag-uusap sa mga LGU upang lalo pang mapabuti ang kanilang fiscal capacities at magamit nang epektibo ang mga resources para makapagbigay ng dekalidad na serbisyo sa mga mamamayan.

Ang Mandanas-Garcia ruling ng Korte Suprema na ipinatupad noong 2022 ay nagpalawak ng NTA shares ng LGUs sa 40% ng lahat ng national taxes, maliban sa mga kinokolekta ng Bureau of Internal Revenue (BIR). Layunin nitong palakasin ang fiscal autonomy ng mga LGU sa pamamagitan ng pagbibigay ng mas malaking bahagi ng pambansang buwis.

Sa desisyon ng Korte Suprema, inatasan nito ang kalihim ng DOF, kalihim ng Department of Budget and Management, mga komisyoner ng BIR at Bureau of Customs, at ang National Treasury na isama ang lahat ng koleksyon ng pambansang buwis sa basehan ng NTA computation, maliban sa mga pondo para sa special purpose at special allotments para sa national wealth development.

Dagdag pa ni Diokno, ang deductions ay alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema at sa mga probisyon ng 1987 Constitution kabilang ang Section 29 (3), Article VI at Section 7, Article X.

Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *