Naglabas ng babala ang Department of Foreign Affairs (DFA) para sa mga Pilipino sa Syria na mag-ingat matapos magdeklara ang mga rebelde ng kontrol sa kabisera ng Damascus, na nagtatapos sa mahigit 13-taong pamumuno ni Pangulong Bashar al-Assad.
“Patuloy naming binabantayan ang kalagayan ng ating mga kababayan sa Syria at hinihikayat silang magsagawa ng kinakailangang pag-iingat at manatiling nakikipag-ugnayan sa Embahada ng Pilipinas sa Damascus,” pahayag ng DFA nitong Linggo.
Ayon sa ahensya, mayroong humigit-kumulang 703 Pilipino sa Syria na kanilang binibigyan ng patuloy na suporta sa gitna ng lumalalang sitwasyon sa rehiyon.
“Nanawagan ang Pilipinas sa lahat ng mga partido na magpakita ng pagpigil sa karahasan at umiwas sa anumang hakbang na magdudulot ng karagdagang pagkasawi ng mga sibilyan,” dagdag pa ng DFA.
Alert Level 4: Mandatoryong Repatriation
Nilinaw ni DFA Spokesperson Ma. Teresita Daza na nananatili ang Alert Level 4 o mandatory repatriation sa Syria.
Matapos ang mahaba at madugong digmaang sibil, tuluyang bumagsak ang rehimen ni Al-Assad, at ang kabisera ay nasa kontrol na ng mga rebelde. Samantala, tumakas si Al-Assad papunta sa Moscow, Russia, kung saan siya binigyan ng asylum.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

