Inihayag ng Commission on Elections (COMELEC) nitong Lunes na nakatakda nitong ipamahagi ang Voter’s Information Sheet (VIS) sa buong bansa simula Abril 1 hanggang Abril 30.
“Kailangan nating ipamahagi ang VIS upang bigyang-kaalaman ang mga botante tungkol sa tamang proseso ng pagboto at matulungan silang pumili ng kanilang mga kandidato,” ayon kay COMELEC Chairperson George Erwin Garcia sa isang panayam.
Ayon kay Garcia, target nilang tapusin ang pag-imprenta ng VIS sa Meycauayan, Bulacan bago ang Marso 24. “Gumagamit na rin tayo ng mga printer ng National Printing Office upang masunod ang itinakdang timeline,” dagdag niya.
Magkakaroon ng 1,667 bersyon ng VIS dahil magkakaiba ang listahan ng lokal na kandidato sa bawat bayan at lungsod.
Ipinaalala rin ni Garcia na maaaring gamitin ng mga botante ang VIS bilang “kodigo” sa Araw ng Halalan upang mapadali ang kanilang pagboto.
Ayon sa Republic Act 7904, mandato ng COMELEC na magbigay ng voter’s information sheet sa lahat ng rehistradong botante sa pamamagitan ng registered mail, hindi bababa sa 30 araw bago ang halalan.
Nakasaad sa VIS ang pangalan ng botante, tirahan, presinto at lugar ng rehistrasyon, pati na rin ang mga tagubilin kung paano bumoto nang maayos.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:
Facebook: https://www.facebook.com/PwersaBalita/ YouTube: www.youtube.com/@pwersabalita X (Twitter): https://x.com/PwersaBalita TikTok: https://www.tiktok.com/@pwersabalita Instagram: https://www.instagram.com/pwersabalita/ Threads: https://www.threads.net/@pwersabalita

