Buwis sa Foreign Digital Services Providers Hindi Magdudulot ng Malaking Pagtaas ng Presyo, Ayon sa Gobyerno

Buwis sa Foreign Digital Services Providers Hindi Magdudulot ng Malaking Pagtaas ng Presyo, Ayon sa Gobyerno

Hindi inaasahan ng gobyerno na magkakaroon ng malaking pagtaas sa presyo ng mga serbisyo at produkto mula sa mga dayuhang digital service providers (DSPs) matapos maisabatas ang pagpapataw ng value-added tax (VAT) sa mga hindi residente na DSPs.

Sa isang press briefing sa Malacañang noong Miyerkules, sinabi ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Romeo Lumagui Jr. na bagama’t ang pagbabago sa presyo ay nakadepende sa mga DSPs at hindi palaging garantisado, inaasahan na minimal lamang ang magiging pagtaas ng presyo dahil sa pagpapatupad ng VAT.

“Business decision ito ng mga service providers. Pero dapat nagbabayad na sila ng VAT mula sa simula pa lang kaya dapat na-incorporate na nila ang VAT sa kanilang pagpepresyo,” paliwanag ni Lumagui.

“Maaaring magkaroon ng pagtaas ng presyo, pero sa tingin ko ay minimal lang ito, hindi naman agad-agad na 12 porsyento ang itataas nila,” dagdag pa niya.

Noong umaga ng Miyerkules, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang Republic Act (RA) 12023, na nagpapataw ng 12 porsyentong VAT sa mga electronic o online sales ng mga serbisyo tulad ng online advertisement services, digital advertising space, at iba pang online services na maaaring ibigay sa pamamagitan ng internet. Apektado rin ng bagong batas ang mga cloud services o mga platform na nagbibigay ng downloadable digital content tulad ng Netflix, Disney+, HBO Go, Google, Spotify, at iba pang online marketplaces tulad ng Amazon.

Ayon kay Lumagui, layunin ng bagong batas na maging patas ang larangan para sa mga lokal na service providers na noon pa man ay nagbabayad na ng VAT, taliwas sa mga dayuhang katunggali nila.

Dagdag pa niya, ang malilikom na buwis ay ilalaan sa mga programa ng gobyerno para sa imprastruktura at mga serbisyong panlipunan. Tinatayang aabot sa PHP105 bilyon ang malilikom na kita sa loob ng limang taon dahil sa bagong batas.

Hindi Makakaapekto sa Pag-invest sa Pilipinas

Samantala, sinabi ni Department of Finance (DOF) Director Atty. Euvimil Nina Asuncion na ang pagpapataw ng VAT sa mga hindi residente na DSPs ay hindi makakaapekto sa paglago ng digital industry at hindi rin magdudulot ng takot sa ibang mga dayuhang negosyante na gustong mamuhunan sa bansa.

“Sa ibang bansa ay ginagawa na nila ito at sumusunod naman sila. Sa katunayan, nahuhuli pa tayo sa pangongolekta mula sa mga hindi residente na DSPs,” pahayag ni Asuncion.


Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman! Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *