Ang barkong BRP Teresa Magbanua ng Philippine Coast Guard (PCG) ay umalis na mula sa Escoda Shoal sa West Philippine Sea, ayon kay Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Linggo.
“Matapos ang mahigit limang buwan sa laot, kung saan isinagawa niya ang tungkuling pagbabantay sa kabila ng matinding hamon, ang BRP Teresa Magbanua ay naglalayag na pabalik sa kanyang homeport sa Puerto Princesa, Palawan, taglay ang tagumpay ng kanyang misyon,” pahayag ni Bersamin, na siya ring Chairperson ng National Maritime Council.
Ayon kay Bersamin, sa kanyang pagkakadeploy sa Escoda Shoal, matagumpay na hinarap ng BRP Teresa Magbanua ang mga pagsubok ng mas malaking puwersa ng mga dayuhang barko at masamang panahon. Kinaya ng kanyang mga tripulante ang limitadong suplay ng pagkain sa araw-araw.
“Ang determinasyon at dedikasyon ng mga kalalakihan at kababaihan ng barko ang naging susi sa kanilang tagumpay, na ginampanan nila ng buong dangal bilang bahagi ng Philippine Coast Guard, bilang parangal sa bayaning pinag-alayan ng pangalan ng kanilang sasakyan,” dagdag ni Bersamin.
Ipinaliwanag din ni Bersamin na ang pagbabalik ng barko ay upang tugunan ang mga pangangailangang medikal ng ilang tripulante, magsagawa ng mga kinakailangang pagkumpuni, at magbigay ng oras para sa kanilang pahinga at makapiling ang mga pamilya.
“Kapag naibalik ang suplay at naayos ang barko, at nakapagpahinga na ang kanyang tripulante, muling magiging handa ang BRP Teresa Magbanua upang ipagpatuloy ang kanyang misyon, kasama ang iba pang yunit ng PCG at AFP bilang mga tagapagtanggol ng ating soberanya,” dagdag pa ni Bersamin.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

