Nag-landfall ang tropical depression na si Gener sa probinsya ng Isabela noong Lunes ng gabi at kasalukuyang tinatawid ang hilagang bahagi ng Luzon, ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon kay Benison Estareja, isang weather specialist ng PAGASA, as of 4 a.m. Martes, si Gener ay nasa paligid ng Alicia, Isabela. Taglay nito ang lakas ng hangin na hanggang 55 kilometro kada oras malapit sa sentro at pagbugsong umaabot ng 70 kph. Gumagalaw ito pakanluran sa bilis na 30 kph.
Mga Lugar na Naka-Tropical Cyclone Wind Signal No. 1: Kabilang sa mga lugar na nakataas sa Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 1 ang Cagayan (kasama ang Babuyan Islands), Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Abra, Ifugao, Mountain Province, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, Pampanga, Bulacan, hilaga at gitnang bahagi ng Bataan (Dinalupihan, Orani, Hermosa), Aurora, hilagang bahagi ng Quezon (General Nakar, Infanta) kasama ang Polillo Islands, hilagang bahagi ng Rizal (Rodriguez, San Mateo), at hilagang bahagi ng Metro Manila.
Ulan at Hangin Dulot ni Gener: Dahil kay Gener at ang pinalakas na habagat, asahan ang malalakas na pag-ulan (100-200 mm) sa mga probinsya ng Cagayan, Isabela, Quirino, Apayao, Kalinga, Mountain Province, Palawan, Occidental Mindoro, Aklan, Antique at Negros Occidental. Moderate to heavy rains (50-100 mm) ay inaasahan naman sa natitirang bahagi ng Cordillera, Cagayan Valley, Ilocos region, Nueva Ecija, Bulacan, Quezon, Rizal, Bicol Region, Western Visayas at Negros Island Region.
Magkakaroon ng minimal hanggang minor na epekto mula sa malalakas na hangin sa mga lugar na nasa ilalim ng TCWS No. 1.
Ngayong Martes, inaasahang makakaranas ng malalakas hanggang gale-force winds ang Batanes, Mimaropa, Bicol, Visayas at Mindanao dahil sa habagat na pinalakas ni Gener at ng tropical storm na Pulasan na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility.
Si Gener ay inaasahang tatama sa baybayin ng Ilocos Sur o La Union ngayong Martes at patuloy na gagalaw sa Philippine Sea hanggang Huwebes bago lumiko patungong kanlurang hilagang-kanluran patungong southern China.
Mga Suspendidong Klase: Inanunsyo ng pamahalaang lungsod ng Maynila ang suspensyon ng face-to-face at online classes mula Kindergarten hanggang Grade 12 sa lahat ng pampubliko at pribadong paaralan sa lungsod.
Ayon kay Mayor Honey Lacuna, ang desisyon ay batay sa DepEd Order No. 37, Series of 2022, na nagsasaad na ang mga klase sa mga lugar na nasa ilalim ng Signal No. 1 ay awtomatikong suspendido. Dagdag pa niya, ayon sa nasabing kautusan, ang mga mag-aaral na nasa paaralan na bago itaas ang Signal No. 1 ay dapat agad pauwiin ng mga principal.
Dagdag pa ni Lacuna, magkakaroon ng make-up classes upang punuan ang nasuspindeng klase.
Bukod sa Maynila, sinuspinde rin ang mga klase mula preschool hanggang senior high school sa mga lungsod ng Quezon City, Caloocan, Valenzuela, Malabon, Navotas, Marikina, San Juan, at Mandaluyong.
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman. Kami ang Pwersa Balita! Bisitahin rin ang aming mga social media accounts:

