Pormal nang sinimulan ni Santo Papa Leo XIV ang kanyang panunungkulan bilang pinuno ng Simbahang Katolika nitong Linggo sa pamamagitan ng isang makasaysayang inaugural Mass sa Saint Peter’s Square, kung saan mahigit 100,000 deboto, dignitaryo, at lider-relihiyoso mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang dumalo.
Sa ulat ng Vatican News, ang okasyong ito ay naging makasaysayan para sa Simbahan, sapagkat dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa iba’t ibang denominasyong Kristiyano at pangunahing relihiyon sa buong mundo—kabilang ang Hudaismo, Islam, Hinduismo, Budismo, Sikhismo, Zoroastrianismo, at Jainismo.
Nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat si Pope Leo XIV sa lahat ng panalangin at suporta na kanyang natanggap matapos pumanaw si Santo Papa Francisco. “Matapos ang kanyang pagpanaw, para tayong mga tupa na nawalan ng pastol,” aniya. “Ngunit sa huling basbas na kanyang ibinigay noong Linggo ng Pagkabuhay, pinapaalala sa atin ng pananampalataya na hindi tayo kailanman iniiwan ng Panginoon.”
Dagdag pa niya, “Ako ay pinili nang walang sariling kagalingan, at ngayo’y may pagkatakot ngunit may buong pag-asa, ako ay lumalapit bilang kapatid na nagnanais maglingkod sa inyong pananampalataya at kagalakan. Tayo’y maglakbay nang magkakasama sa landas ng pag-ibig ng Diyos. Isang pamilya ang nais Niyang ating marating.”
Binigyang-diin ni Pope Leo XIV na ang misyon ng pagiging Santo Papa ay hindi tungo sa kapangyarihan, kundi sa paglilingkod at sakripisyo, ayon sa halimbawa ni Hesus. “Ang kapangyarihan ng Simbahan ay nakaugat sa pag-ibig ni Kristo. Ito ay palaging tungkol sa pagmamahal gaya ng ginawa ni Hesus.”
Kanyang hinikayat ang buong Simbahan na maging tagapagtaguyod ng pagkakaisa at kapayapaan sa gitna ng mga hamon sa buong mundo tulad ng karahasan, hindi pagkakapantay-pantay, at pagkasira ng kalikasan. Aniya, “Sa mundong tigib ng hidwaan, sugat ng poot, diskriminasyon, takot, at kahirapang bunga ng pagsasamantala sa kalikasan at mahihirap—nawa’y maging munting lebadura tayo ng pagkakaisa at kapatiran.”
Dagdag pa niya, “Gusto naming ihayag sa mundo, nang may kababaang-loob at galak: Tumingin kay Kristo! Lumapit sa Kanya! Tanggapin ang Kanyang salita at yakapin ang Kanyang pag-ibig—sapagkat sa iisang Kristo, tayo’y iisang pamilya!”
Sa pagtatapos, nanawagan ang Santo Papa para sa isang Simbahang maka-misyon, nakabukas ang puso sa mundo, at namumuhay sa pagkakaisa at habag. “Ito ang landas na ating tatahakin—kasama ang mga kapatid nating Kristiyano, mga may ibang pananampalataya, mga naghahanap sa Diyos, at lahat ng tao ng mabuting kalooban, upang magbuo ng panibagong daigdig na pinaghaharian ng kapayapaan.”
Laging nakatutok sa Pwersa Balita para sa mga balita na dapat mong malaman — kami ang Pwersa Balita!
Bisitahin rin aming mga social media accounts:
🌐 https://www.facebook.com/PwersaBalita/
📺 www.youtube.com/@pwersabalita
🐦 https://x.com/PwersaBalita
🎵 https://www.tiktok.com/@pwersabalita
📸 https://www.instagram.com/pwersabalita/
🧵 https://www.threads.net/@pwersabalita

